Jailguard, 4 pa patay sa jailbreak ng 7 inmates

TODO BANTAY at doble alerto ngayon ang mga awtoridad sa Zamboanga City jail pagkatapos ang insidente ng jail break sa provincial jail ng Pagadian kahapon na ikinasawi ng lima katao at pagpuga ng pitong inmates.

Ayon kay Zamboanga City jail warden S/Supt. Ester Galvez Pepito, mas pinaigting pa nila ang seguridad sa loob ng compound kasabay ng paghihigpit sa mga dalaw at mga pinapasok na mga bagay sa loob ng brigade lalo na yung matutulis na bagay na maaaring gamitin para sa pagtakas.

Sinabi pa ni Pepito na tiwala siyang hindi mangyayari sa kanyang administrasyon ang nangyaring jailbreak sa provincial jail ng Pagadian kahit ang Zamboanga City jail ang may pinakamaraming bilang ng high risk inmates sa buong bansa.

Nauna rito, lima katao ang iniulat na nasawi, kabilang ang jailguard, habang isa pang jailguard ang nasugatan sa pagtakas ng pitong bilanggo sa Zamboanga del Sur provincial jail.

Kinilala ni regional military spokesman Lt. Col. Randolph Cabangbang ang ilan sa mga napatay na sina jailguard Francisco Bartulfo na nagtangkang labanan ang mga tumatakas na preso at  Rodrigo Daligdig, kasama sa mga nagtangkang pumuga.

Tangay sa pagpuga ng mga preso ang dalawang high-powered firearms at isang sasakyan na ginamit para agad na makalayo.

Kinilala naman ang mga nagsitakas na sina Roger Cañete, Badrudin Dimalunda, Sadam Dumandus, Tukan Guianale, Alex Abas Pacho, at Ronaldo Llanes na may mga kasong murder, carnapping at estafa.-Verlin Ruiz

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply