John Lloyd Cruz, naungusan na ng milya-milya si Piolo Pascual

SIMPLE lang talagang magdala ng kanyang kasikatan si John Lloyd Cruz, pero sa totoo lang ay milya-milya na ang layo ng kanyang kasikatan kay Piolo Pascual.  Mahal na ang talent fee ni Lloydie, dahil kumikita talaga ang kanyang mga pelikula. Mas nauna lang talagang kilalanin bilang mahusay na actor si Piolo, pero kung sa paramihan ng mga karangalan ngayon ay nakakaungos na rin si Lloydie, dahil umaapaw na talaga ang kanyang kahusayan lalo na ngayong  hinog na talaga sa panahon ang kanyang pagiging actor.

Gumawa kasi talaga si John Lloyd ng sarili niyang panahon ng kasikatan. Hindi sumasablay ang kanyang mga proyekto. Puro patok sa takilya ang kanyang mga ginagawang pelikula, kaya bukod sa mga parangal bilang best actor, ay ilang ulit na rin siyang kinoronahan bilang Box-Office King.

Mayroon na talagang hukbo ng mga tagahanga na nag-aabang sa bawat pelikula na kanyang gawin, kahit pa sinong artista ang kanyang makapareha, bukod sa kanyang original na kaparehang si Bea Alonzo.  Marami din namang proyekto si Piolo na ginawa, pero sumasablay ang mga iyon sa takilya, lalo na nu’ng magkahiwalay na sila bilang magka-loveteam ni Judy Ann Santos.

Pero hindi pupuwedeng kuwestiyunin ang popularity ni Piolo dahil sa maganda niyang pagdadala ng kanyang personality.Napakaraming kapwa niya artista ang gusto siyang makatrabaho. Sikat na sikat siya, dahil napakalakas ng dating ng kanyang sex appeal.  Maamo ang kanyang kaguwapuhan, kaya gusto siya ng mga kababaihan, may edad man o mga kolehiyala. Susme! Pati mga batang paslit, gusto rin si Piolo.  Napakarami ding bading ang nagpapantsya sa kaguwapuhan ni Piolo, dahil maganda rin ang kanyang katawan. D’yan naman niya kinabog si John Lloyd.

****

Tampuhang Randy, John at Willie, itigil na!

NAKAKAKABA kung hindi pa hihinto ang tampuhan ng dating magkakaibigang sina Willie Revillame, Randy Santiago at John Estrada at baka hindi rin huminto ang mga pagkukumpara at magkaroon din ng patutsadahan kapag umeere na ang bagong programa nila sa telebisyon.

Nakabalik na kasi talaga sa telebisyon si Willie, at kakaiba ang suporta sa kanya ng masa, kaya baka ang programa nina Randy at John ay maging katulad din ng natsugi sa ereng “Pilipinas, Win Na Win!” at ng iniwang “Wowowee” ni Revillame na hindi na kinagat ng publiko.

Napakalakas ngayon ng “Willing Willie” ng TV5 sa masa.  Kung kaibigan pa rin ang turing ni Willie kina Randy at John, ay huwag na sana niyang patutsadahan sa ere ang mga kaibigan niyang magsisimula na sa bagong programa ng Dos.  Napakasuwerte na kasi ni Revillame sa mga panahong ito, kaya pakawalan na niya sa kanyang puso kung may natitira pa siyang tampo kina Santiago at Estrada, para mahalin din sila ng mga televiewers at bumongga ulit ang career sa pagho-host ng game show, dahil dati naman ay magkakasama silang tatlo.

Patawarin na sana ni Willie sina Randy at John, para maambunan ng kanyang suwerte at nang magtagal din naman sa telebisyon ang “Happy Yipee Yehey!” para masaya na ang lahat.  Nakakalungkot naman kasi kung ang bagong game show ng Dos ay madadamay sa pangnenega ng kung sino-sinong tao sa showbiz, para matulad sa iniwang “Wowowee” ni Revillame at sa “Pilipinas, Win Na Win” na hindi talaga nagwagi sa puso ng mga televiewers, kaya namaalam na lang sa ere. Melchor M. Bautista

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply