Jueteng sa Isabela talamak


PATULOY
na namamayagpag ang operasyon ng “jueteng” sa lalawigan ng Isabela, na nagsisilbing front lamang ang Small-Town Lottery na nakaprangkisa sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Napag-alaman ito Martes, Pebrero 8 mula sa mga nagmamalasakit na mamamayan sa nabanggit na lugar.

Ayon sa impormasyong nakalap, isang kinilala sa pangalang “Tony Ong” ang nagsisilbing bangka habang si “Ver Alvarez” ang tumatayong local maintainer ng naturang iligal na sugal, na umano’y pinatatakbo ng isang mataas na opisyal ng lalawigan.

Nabatid pa na nagkalat ang mga kubrador ng STL gamit ang prangkisa ng PCSO pero diyes porsyento lang ang kanilang nire-remit sa kaban ng bayan.

Ang 60 porsyento ang siyang nilalabanan ni Ong habang ang 30 porsyentong natitira ang pinagkukunan ng kanilang inihahatag sa mga pulis at lokal na opisyal ng pamahalaan.

Napag-alaman pa na umaabot ng P300 ang kubransa nila araw-araw kaya malaki ang kinikita ng mga operator at kanilang mga galamay sa iligal na sugal na jueteng na STL kuno.

Labis namang nagtataka ang mga mamamayan dito kung bakit hindi pa napapatalsik ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Raul Bacalzo sina PNP Regional Director Chief Supt. Francisco Villaroma at PNP provincial director Senior Supt. Jimmy Uy Rivera sa kabilang paglabag ng mga ito sa pinaiiral na one-strike policy ng PNP.

Hinala tuloy ng mamamayan ay protektado ng dalawang nabanggit na opisyal ng PNP ang nagpapatupad ng nasabing iligal na sugal sa kanilang nasasakupan.

Idinagdag pa ng mga ito na patuloy na nagbubulag-bulagan sina Rivera at Villaroman bunsod ng umano’y tinatanggap nilang malaking payola tuwing kinsenas at katapusan mula sa kita ng nabanggit na iligal na sugal na jueteng. Benito de Guzman

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply