Kalaguyo ni misis dedo sa nagselos na mister

“MASAKIT kasi tanggapin na niloloko at iniiputan ako ng misis ko.”

Ito ang paliwanag ni Roel Roquero, 45, ng 1100 Juan Luna st., Tondo, Maynila matapos kusang sumuko sa Manila Police District-Homicide Section dahil sa pananaksak at pagpatay kay Freddie Adidas, 26, isang estibidor, ng nasabing lugar.

Iniulat ni PO3 Giovanni Valera na dakong alas-siyete ng gabi ng Lunes ay dumating si Roquero sa MPD Station 2 upang sumuko.

Nauna rito ay sumuko ang suspek kay Barangay Chairman Violeta Candelaria ng  Barangay 8, Zone 1 sa Tondo. Sinamahan naman ni Candelaria si Roquero sa MPD Station 2.

Inamin ni Roquero na matagal na niyang alam ang relasyon ng kanyang asawa sa biktima.

Aniya, tumitiyempo lamang siya bago tuluyang patayin ang biktima.

Bukod umano sa pakikipag-relasyon sa kanyang misis, binugbog din ng biktima ang 15-anyos na anak ng suspek dati pa.

Noong Lunes umano ay nagkaroon si Roquero ng pagkakataong makaganti kay Adidas nang makita ng una na natutulog ang huli.

Kumuha umano ng kutsilyo ang suspek, nilapitan ang walang kamalay-malay na biktima at pinagsasaksak ito.

Agad tumakas si Roquero, ngunit sumuko rin makalipas ang ilang oras.

Kasalukuyang nakakulong sa homicide section ng MPD at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply