Karatedo team, demoralisado na rin!

DEMORALISADO ang Philippine Karatedo Federation (PKF) dahil sa pagiging bastos ng isa sa mga opisyal ng nasabing National Sports Association (NSA).

Isiniwalat ng isang source sa Remate Sports na ang opisyal umano ng pederasyon na walang galang sa mga manlalaro ay nagdadala pa ng babae sa athletes’ dorm sa PhilSports Complex na matatagpuan sa Meralco Avenue, Pasig City .

“Doon na nga siya nakatira, dinadala pa niya ‘yung bebot niya doon sa dorm kaya masama na ang image niya sa mga atleta,” ayon sa source. “Ang gusto ng mga athletes ay lumayas na siya pero kapit-tuko pa rin siya at kung anu-ano pang kabulastugan ang pinaggagagawa.”

Itinatadhana ng batas na ginawa ang ilang pasilidad sa PhilSports Complex upang mapunan ang pangangailangan ng mga Filipinong manlalaro sa pagsasanay at gawing mga silid para matirhan ng mga athletes at coaches.

“Kaya naman ‘di magandang tingnan sa isang opisyal na may kasamang bebot sa dorm. ‘Di ba siya nahihiya sa mga atleta niya?,” tanong ng isang source.

“Makapal na lang ang mukha ng taong gagawa ng ganyan. Mas maigi sa kanya ay magbitiw na lang kasi demoralisado na ang pinamumunuan niyang asosasyon,” dagdag pa nito.

Ayon sa source, ibinabawal umano sa kanilang dorm ang pagdadala ng mga outsiders maliban sa mga athletes, official at coaches na kabilang sa pambansang koponan ngunit ang kanilang mismong opisyal ang lumalabag dito.

Sa bisa ng Republic Act 6847, na nilikha ang sports commission, ginawa at pinapanatili ang isang pasilidad na pampalakasan na kumpleto sa kagamitan.

Ibinunyag ng source na sa 20 miyembro ng karatedo team ay 4 na lamang umano ang may tiwala sa naturang opisyal na kapal-mukha umanong nagmamalaki na isa siyang magaling na lider.

“Yung 16 sa mga karatedo members ay ayaw na sa kanya. Gusto niyang manatili sa puwesto pero ayaw na ng mga atleta,” wika ng source. “Kumakapit siya sa kanyang puwesto na parang tuko. Kung may delicadeza lang siya ay umalis na siya sa pederasyon.”

Nangako ang mga sources na marami pa silang ibubunyag na baho ng opisyal at kanila na itong pangangalanan sa mga susunod na araw.

Samantala, natuklasan na noon pa palang Enero 14 pinatalsik sa puwesto ni PKF president Go Teng Kok ang pinararatangang opisyal subalit ayaw umano nitong lisanin ang tungkulin sa hindi maipaliwanag na kadahilanan. Gilbert Perdez

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply