Kasabwat sa pagpatay sa 74-anyos na lola naaresto

NAARESTO ang isang lalaki na umano’y kasabwat sa pagpatay sa isang 74-anyos na lola sa isinagawang follow up operation ng mga tauhan ng Manila Police District Homicide Section Huwebes ng gabi, Pebrero 17, sa Caloocan City.

Kinilala ni MPD-Homicide Section Chief Police Inspector Armand Macaraeg ang isa pang suspek na si Gerry Diaz, 53, ng 16 Marulas Makabulo St. Caloocan City.

Nabatid na ang pagkaaresto ni Diaz ay bunsod na rin ng isinagawang follow up operation ng pulisya matapos na inguso siya ni Jonjon Bituin, ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Bella Amurao, 74.

Si Bituin ay sumuko sa pulisya dahil naku-konsensiya umano ito at natatakot sa pagmumulto ng biktima.

Dahil sa impormasyong ibinigay ni Bituin ay agad na bumuo ng grupo ang MPD-Homicide at sa pangunguna ni SPO4 Elmer Manalang, kasama sina PO3 Carlos Rivera, PO2 Ramoncito, Tolentino at PO1 Roderick Pacilan, ay naaresto si Diaz dakong alas 6:00 ng gabi.

Sa panayam, mariin namang itinanggi ni Diaz na kasabwat siya sa pagpatay sa lola ngunit inamin nito na inutusan siya ni Bituin na ibenta ang mga ninakaw na alahas ng biktima sa halagang P7,500.00.

Inihahanda naman ang kasong isasampa laban sa mga suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply