Kasabwat sa pananaga ng MPD cop arestado

NAARESTO ang isang lalaki na umano’y kasabwat ng salarin sa pagtaga at pagpatay sa isang pulis-Maynila noong Martes ng gabi sa Sta.Cruz, Maynila.

Hawak ngayon ng Manila Police District (MPD) si Nasser Trudin, 37, vendor sa Pier South.

Ayon sa pulisya, si Trudin ay inaresto matapos mapag-alamang kasabwat sa pagpatay kay PO3 Luis Sagum, 53, may-asawa, ng 813 Coral st., Dagupan, Tondo, Maynila.

Ang biktima ay nakatalaga sa Manila City Hall.

Nabatid na si Trudin ay lider umano ng mga vendor at “co-maker” ng biktima tuwing may umuutang sa kanya ng five-six.

Lumalabas, ayon sa mga nag-imbestiga, na ito ang ugat ng pagpatay kay Sagum.

Napag-alaman din na si Trudin ay tumakas habang nangyayari ang pananaga.

Pinabulaanan ng suspek ang akusasyon sa katuwirang isa rin siyang biktima ng salarin.

Aniya, siya ay may mga tama rin ng taga sa kamay.

Naganap ang pananaga sa Emerald Building sa Rizal ave. malapit sa Carriedo station ng Light Rail Transit (LRT) sa Sta.Cruz, Maynila.

Sasampahan ng kasong murder si Trudin habang pinaghahanap pa ang tumaga sa biktima, na nakilala lamang sa alyas na “Alexis.”  Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply