Kasamang naililibing

NAKIKIPAG-CHAT ako sa Facebook kahapon ng umaga nang tawagan ako ni Ms Linda Bohol, chief of reporters ng Remate.PH, at ibalitang “nabaril si Angelo Reyes.”

Nagpakamatay ang dating AFP chief at dating kalihim ng Departments of Environment and Natural Resources, Interior and Local Government, National Defense at Energy sa ilalim ng pamahalaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Matapos makipag-usap kay Linda upang planuhin ang coverage ng malaking balitang ito ay bumalik ako sa aking ka-chat upang magpaalam dahil kailangang makarating agad sa newsroom ng Remate.

Siyempre, ibinalita ko na rin sa aking ka-chat ang nakagugulat na balita. Tuloy ay nagkapalitan pa kami ng ilang kaisipan tungkol dito.

Ayon sa ka-chat ko, mahirap talaga kung masyadong mayaman, lalo’t ang yaman na ito ay nakuha sa masamang paraan.

“Mabuti na lang at mahirap lang tayo, “ pabiro kong mensahe.

“Oo naman,” sabi niya. “Mas mataginting ang halakhak ng mga mahihirap.”

Habang nasa biyahe patungo sa Remate newsroom ay naglalaro pa rin sa aking isipan ang hindi inaasahang pangyayari.

Hindi na siguro pinapatulog si Reyes ng maraming problemang kinakaharap niya. Ayon sa kaibigan ni Reyes na si dating Commodore Rex Robles, nabanggit sa kanya ng dating AFP chief na masama ang loob niya dahil tiyak na hihiyain nang husto ng mga mambabatas na nag-iimbestiga sa kanya ang kanyang pamilya.

Mahirap talaga ang maging sobrang ambisyoso. Oras na makuha mo ang gusto mong kapangyarihan at kayamanan ay mawawala naman sa taong ito ang tinatawag na “sleep of just.”

Sa pagbabalita sa telebisyon ay nabanggit ang nakaparaming nagawa at achievements ni Reyes.

“Sayang naman pala si Reyes,” narinig kong banggit ng isa sa mga kasamahan sa newsroom. “Ang dami pala niyang nagawa.”

Naalala ko tuloy ang sinabi ni Mark Anthony sa harap ng bangkay ng kaibigang si Julius Caesar: “The evil that men do lives after them; the good is often interred with their bones.”-Fort Nicolas

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply