Kaso tinakasan ng station manager ng Gulf Air

DAHIL sa dalawang kaso na ‘grave threats’ na isinampa ng isang Pinoy sa Prosecutors office sa Pasay City, napilitang tumakas ang isang station manager ng Gulf Airlines sa Ninoy Aquino International Airport.(NAIA)

Inilihim pa ni Khaled Ahmed Abdulrahman, Bahraini, ang kanyang pag-alis patungong Bahrain noong October 27, 2010 upang maiwasan ang kasong isinampa laban sa kanya ni Mark Joseph Rivera, administrative officer ng Aseanic Security Consultants and Manpower Services.

Si Abdulrahman na may mataas na katungkulan sa Gulf Air na nakabase sa NAIA terminal 1 sa loob ng tatlong taon, ay inakusahan ni Rivera ng “panduduro” at masasamang salitang pagbabanta noong June 16, 2010.

Nalaman sa reklamo ni Rivera na ang insidente ay naganap noong birthday party ng isang opisyal ng Airline Operators Council (AOC), isang asosasyon ng foreign at local airlines na nag-ooperate sa Ninoy Aquino International Airport.

Pinabulaanan naman ni Abdulrahman sa kanyang counter-affidavit ang paratang ni Rivera sa Pasay Prosecutor’s Office. Sinabi nitong walang basehan at pawang kasinungalingan ang pinagsasabi ng huli dahil ang intensiyon lamang nito ay para mang-harass at sirain ang kanyang reputasyon.

Nagsimula ang alitan ng dalawa nang maghinala si Abdulrahman na nagkakaroon ng padding sa time card ni Rivera at sa kapwa nito security personnel na nakatalaga sa Gulf Air.

Tatlong hearing ang hindi sinipot ng dayuhan na itinalaga ni Pasay City Prosecution Attorney Teresa B. Purzuelo, kaya nag-isyu ito ng resolution para ituloy ang prosekusyon noong December 9, 2010

Hiniling naman ni Rivera noong Biyernes sa prosecutor’s office na isyuhan ng court hold order laban kay Abdulrahman na ikinukonsiderang isang fugitive sa bansa. Johnny F. Arasga

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply