Kaso vs Dominguez iaakyat na sa korte

TULUYAN nang kakasuhan sa korte ang tinuturo umanong lider ng carjacking syndicate na si Raymond Dominguez matapos na maglabas ng resolusyon ang Quezon City Prosecutor’s Office laban dito.

Kasabay ng resolusyon, nagpalabas din ng mosyon si Assistant City Prosecutor Jaime Villanueva na humihiling na maisama ang kaso ni Dominguez sa paglilitis ng kasong kinakaharap nina Alfred Mendiola at Ferdinand Parulan sa QC Regional  Trial Court Branch 215.

Matatandaan na si Dominguez ang siyang inakusahan kaugnay sa pagkakapaslang sa car dealer na si Venson Evangelista.

“It is respectfully recommended that Raymond Dominguez Y Santos be charged with Violation of Section 14 of Republic Act No. 6539, as amended by Section 20 of Republic Act No 7659. Let the herein attached information be filed in Court and assigned to aforesaid RTC Branch 215 Criminal Case No. Q-11-168431,” ani Villanueva sa inisyu nitong resolusyon.

Napag-alaman na sa paunang imbestigasyon ni Villanueva, lumalabas na may batayan para kasuhan sa korte si Dominguez sapagkat unang itinuro siya ng mismong mga umano’y kasabwat niya at hindi malinaw ang depensa ng akusado kung gaano siya katagal sa korte nang maganap ang krimen.

Maliban sa hindi na umano saklaw ng kapangyarihan ng piskalya ang pagkuwestiyon sa legalidad ng search warrant na inisyu ng RTC Branch 31 sa Guimba, Nueva Ecija, mismong ang akusado ang boluntaryong sumuko sa awtoridad kung kaya hindi masasabing iligal ang pagkakadakip sa akusado.

Ipinasasama naman ni Villanueva sa paglilitis ng mga kaso nina Mendiola at Parulan ang kaso laban kay Dominguez alinsunod na rin sa Section 22, Rule 119 ng Revised Rules on Criminal Procedure at sapagkat iisang insidente ang pinagmulan ng mga kasong ito at ang mga ebidensiyang ipiprisinta sa paglilitis ay pare-pareho. Jan Sinocruz

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply