Killer ni Torres tukoy na

NAGSASAGAWA na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang killer ng political adviser ni Mandaluyong Mayor Benhur Abalos na si Jun Torres matapos matukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan dito.

Sinabi ni Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Francisco Manalo, nakilala ang suspek dahil na rin sa impormasyong ibinigay sa kanila ng dalawang testigo sa krimen.

Kaugnay nito ay nagsasagawa na ng ‘manhunt operation’ ang “Task Force Torres” na binubuo ng apat na ‘crack team’ para sa agarang ikadarakip ng salarin.

Tumanggi naman si Manalo na ibigay ang pagkakilanlan ng suspek at ang detalye ng isinasagawang ‘follow-up operation’  upang hindi ‘masunog’ ang kanilang lakad.

Naniniwala si Manalo na hindi magtatagal ay madarakip din ang gunman sa “little mayor” ng Mandaluyong na si Torres.

Ayon naman kay Mayor Abalos, hanggang ngayon ay  wala pa siyang nahahanap na kapalit si Torres bilang kanyang political adviser.

Magugunitang si Torres  ay malapitang binaril ng dalawang beses sa ulo ng isa sa dalawang suspek na naka-motorsiklo habang sakay ng kanyang Toyota Fortuner sa Barangka Drive, Barangka Village, Mandaluyong City  noong Pebrero 4 ng gabi.

Naisugod pa ang biktima sa Mandaluyong City General Hospital ngunit inilipat din sa University of  Sto. Tomas Hospital sa Maynila, pero nalagutan din ng hininga.

Una na ring nagpahayag ng paniniwala si Mayor Abalos na posibleng motibong politikal ang naganap na pagpatay sa kanyang matalik na kaibigan, kababata at kumpare kaya nag-alok siya ng isang P1 milyong pabuya para sa ikadarakip ng salarin.  Jhie Convocar

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply