Konsehal ng Pasay City ‘suki’ sa casino

PAMBIHIRA naman itong si Konsehal ng Pasay City.

Ginawang permanenteng libangan ang pagsusugal sa isang casino sa nasabing lungsod.

Halos “suki”  na ang tawag sa kanya ng mga empleyado ng naturang hotel casino dahil gabi-gabi ay naroroon siya at parang labadang nakababad sa upuan.

Mabuti sana kung madalas manalo si konsehal dahil kahit papaano’y may pandagdag siyang tulong para sa kanyang mga constituents na madalas niyang pangakuan.

Pero ang siste, palaging “olats” si konsehal. Palaging natatalbusan ng libo-libong salapi. Pinakamahina na daw ang P20,000 kada gabi.

Medyo “mahiwaga” ang dating nitong si konsehal. Hindi malaman kung saang “tabakuhan” nito pinipitas ang pinatatalong salapi kada gabi.

Kawawa naman ang mga constituents mo, konsehal. Marami ka nang naipangako sa kanila na hindi mo natupad.

Binigay mo na lang sana ang mga salapi mong ipinatatalo sa casino sa iyong mga ka-lugar na naghihikahos bilang tulong.

Mas gugustuhin pa ‘yon ni Lord lalo pa’t malimit kang manalangin sa Kanya, di ba?

Isa pa, baka nakakalimutan ni konsehal na isa siyang public servant.

Sabagay, hindi na rin kasi nasusunod ang batas na nagbabawal sa sinumang opisyal ng pamahalaan – lokal man o nasyunal ang antas – na pumasok at magsugal sa alinmang casino ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).

Pero di ba’t kahiya-hiya naman sa mga ka-lugar ni konsehal kung madalas siyang nakikita sa loob ng casino habang nagtatapon ng pera?

Kilalang kuripot itong si konsehal at hindi kailanman kaya ng kanyang dibdib na isugal ang sariling ipon nan pera.

Ibig sabihin, “laughing money” ang pinangsusugal niya. ‘Yun bang tipong kinita lang niya sa madali at malinis na paraan. At kung paano niya ginagawa iyon ay simpleng-simple lang daw.

‘Yun ang mismong magiging paksa natin sa susunod. Abangan!

* * * * * * * *

RUMATSADA na ang jueteng operations ni Tony “Bolok” Santos sa Maynila.

‘Yan ay matapos ang ilang araw na “dry-run” nitong nakaraang linggo na ang layunin ay para mapulsuhan kung patok pa rin ang sugal na jueteng sa mga mananaya sa buong Maynila.

Ibig sabihin, kung opisyal na nagsimula ang jueteng ni TS sa Maynila ay opisyal na ring umandar ang metro ni Manila Police District director Chief Supt. Robert Rongavilla para sa kanyang buwanang “tong.”

Kalokohan naman kasing magbukas ng jueteng si TS sa Maynila ng walang “go-signal” sa tanggapan ni Gen. Rongavilla. Tama ba, sir?

Kung wala kang blessing sa grupo ni TS, bakit wala kang ginagawang aksyon magmula nang magsimulang mag-dry run ang ‘teng-hwe’ ng nasabing gambling lord ng Marikina City.

May kinalaman rin kaya ang tanggapan ni Mayor Fred Lim dito? Madalas kasi niyang sabihin na ayaw niya ang anumang uri ng iligal na sugal sa loob ng kanyang lungsod.

Paano niya maipapaliwanag ang nagkalat na kubrador at kabo ni TS sa buong paligid ng Maynila? Kasama na rito ang lugar ng San Miguel kung saan naroroon ang Palasyo ni PNoy!

Kung walang alam si Mayor Lim dito ay tiyak na kaliwa’t kanang bukol ang inabot niya sa taong taga-Manila City Hall na, ayon sa aking tipster, ay madaling nakumbinsi ng grupo ni TS.

Abangan natin kung kikilusan ito ni Mayor Lim. Kapag hindi, malaking problema ito!

* * * * * * * *
Anumang reaksyon, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999-4333437 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply