Kontrahan sa SIM registration, tumitindi

LALONG tumitindi ang kontrahan ng dambuhalang network service provider at ilang senador hinggil sa panukalang iparehistro ang lahat ng Subscriber Identity Module (SIM) card dulot ng ilang masalimuot na detalyeng magpapalala sa sitwasyon.

Kahapon, dininig ng Senate committee on public services sa pamumuno ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., ang panukala ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III na iparehistro ang SIM card na mahigpit na tinutulan ng ilang dambuhalang telecom companies.

Ayon kay Atty. Rodolfo Salalima, mahihirapan ang network service provider na iparehistro ang mahigit 75 milyong SIM card na nakakalat sa buong Pilipinas partikular ang mga subscriber na nakatira sa malalayong lalawigan o lugar na malayo sa siyudad.

Partikular na tinukoy pang problema ni Salalima ang patakaran sa panukala na kailangan gumamit ng identification card sa pagpaparehistro ng SIM card. Dahil maaari umanong gumamit ng pekeng ID ang sinuman.

Kinontra naman nina Sotto at Revilla ang pananaw ni Salalima dahil mas makabubuti umanong maiparehistro ang SIM Card na gamit ang pekeng ID, kaysa naman ngayon na walang sinumang mukhang hahabulin ang awtoridad kapag nagamit sa krimen.

Sinabi ni Revilla na kahit ganito ang problema ng ilang telecom companies, wala nang magagawa pa kundi maipasa ang panukala sa harap nang tumitinding krimen at kalokohan na gamit ang SIM.

“Dalawang government issued ID ang kailangan sa registration. No choice na tayo, dapat nang iparehistro ang SIM card para matapos na ang kalokohan sa paggamit nito,” giit ni Revilla.

Base sa rekord ng pulisya, umaabot sa 98% ng tawag sa 117 ay pawang prank calls gamit ang cellphone.

Marami ring text ng panloloko tulad ng mga mensaheng mamalasin ka kapag hindi ipinasa ang partikular na mensahe at iba pa. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply