Krisis sa langis posible

BILANG paghahanda, itinaas na ng pamahalaan ang alerto nito kontra sa posibleng kasalatan sa supply ng langis at paglobo ng presyo nito sa harap ng nangyayaring kaguluhan sa Middle East.

Ayon kay Energy Secretary Jose Almendras, mahigpit ang kanilang ginagawang pagbabantay sa inventory ng  oil companies at gas stations para maiwasan ang pananamantala sa sitwasyon.

Pinakilos na umano nila ang multi-agency task force para tutukan ang sitwasyon at panagutin ang kompanyang magsasamantala.

Pinangangambahang magkakaroon ng kakulangan sa supply ng langis at pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dahil isa ang Libya sa oil exporters sa mundo.

Kahapon ay naging sentro sa cabinet cluster meeting ang oil supply sa bansa at ihanda ang mga contingency measures.

Kasama sa pinaghahandaan ang emergency situation kung saan magpapatupad ng rationing sa langis.

Nauna nang tinawagan ng Punong Ehekutibo ang DoE at agad na nagbigay ng direktiba para ihanda ang mga kinakailangang contingency plan.

Sa ngayon ay walang dahilan para mangamba ang publiko at mag-panic dahil wala pang kakulangan sa supply ng langis.

“We’re escalating our alert level,” ani Almendras.

Sa ulat, sinabi naman ni DoE-Oil Industry Management Bureau Dir. Zenaida Monsada na may sapat na inventory ng oil supply ang bansa kahit pa lalong tumindi ang political tensions sa mga apektadong rehiyon.

Hindi naman umano sa Yemen, Libya at Bahrain umaangkat ng langis ang Pilipinas kundi sa ibang oil exporting countries gaya ng Saudi Arabia at United Arab Emirates, Oman at Iran.

Sa datos, 81 percent ng crude oil imports ng Pilipinas noong nakaraang taon ay galing sa nabanggit na mga rehiyon.

“Normal naman ang supply kasi itong mga oil refiner natin, usually ang order nila was 2 to 3 months ago. So, wala namang problema sa daanan ng crude, so wala tayong nakikitang problema sa ating inventory,” pahayag ni Monsada.

Sa halip, nagbabala naman si Dir. Monsada sa epekto ng mga espekulasyon sa presyuhan ng krudo sa world market.

Samantala, muling nanawagan kahapon si Gabriela Women’s Party Rep. Luz Ilagan sa Aquino government na makialam at magpatupad ng price control mechanism upang mapangalagaan ang publiko sa walang habas na pagtaas ng presyo ng langis.

Matatandaang halos sabay-sabay na nagtaas ang presyo ng mga produkto ng Pilipinas Shell, Chevron, Total, City Oil at Petron.

Ani Ilagan, hindi niya maintindihan kung bakit nakatunganga lang ang administrasyong Aquino sa linggo-linggong pagtataas ng presyo ng langis.

Aniya, limang ulit nang tumaas ang presyo ng langis mula Enero kaya posibleng 100 beses na tataas ang  presyo ng langis hanggang Disyembre.  Kris Jose/Nenet L. Villafania

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply