Krisis sa Libya pagsubok sa bagong DFA sec

NANINIWALA ang mga kritiko ng pamahalaan na pagsubok sa kakayahan ni Foreign Affairs Secretary Alberto del Rosario ang ginagawang hakbangin sa pagpapalikas sa mga naiipit na overseas Filipino workers sa Libya.

Ayon sa grupong Migrante International, tila mabagal ang ginagawang pagpapalikas sa mga naiipit na OFW sa kaguluhan sa Tripoli matapos na tumanggi si Libyan President Moammar Gadhafi na bumaba sa puwesto.

Batay sa datos ng DFA, umaabot pa lamang sa 1,500 OFWs mula sa kabuuang 26,000 manggagawang Pilipino ang nakalabas na ng Libya kabilang na rito ang kabuuang 168 Pilipino na nakabalik na sa bansa araw ng Sabado at Linggo.

Bagama’t aminado si Del Rosario na malaking pagsubok sa kanyang kakayahan ang nagaganap na krisis sa Libya, tiwala naman ito na matutugunan ng pamahalaan ang lahat ng pangangailangan ng mga nagsisilikas na Pilipino sa Tripoli.

Sinisiguro rin ng bagong kalihim na mapapanghawakan nito ang kalagayan ng mga Pilipino sa nasabing bansa.

Aniya, bagama’t napakalayo ng Libya at hindi kagandahan ang linya ng komunikasyon, ginagawa naman ng pamahalaan ang lahat upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino.

Inihayag naman ng Migrante na may 47 Filipino mula sa Wafa gas and oil field sa Timog Silangang bahagi ng Tripoli ang hindi makalabas ng Libya makaraang tanggihan umano sila ng mga guwardiyang nagbabantay sa hangganan ng Libya at Algeria.

Gayunpaman, hindi naman ito makumpirma ng kagawaran dahil karamihan sa itinayong grupo ng pamahalaan ay nakabase sa Benghazi at sa Tubruk, ang huling bayan ng Libya bago pumasok sa Egypt.

Umaasa rin si Del Rosario na ang organisado at sabay-sabay na pagkilos ng mga tauhan ng DFA sa Libya at mga kalapit na bansa ang susi sa ikatatagumpay ng pagpapalikas sa mga naiipit na Pilipino. Freddie Cortez

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply