Lagot si Ligot; Yuchongco ng customs lusot?

UNTI-unti nang nagkakalinaw ang imbestigasyong isinasagawa ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa kasong pandarambong umano sa pondo ng militar na kinasangkutan mismo ng mga matataas na opisyal nito.

Sa ngayon, puntirya ng komite si retired Col. Jacinto Ligot — dating comptroller ng AFP nung termino ni retired Gen. Diomedio Villanueva bilang chief of staff ng sandatahang lakas.

Sa mga ebidensiyang nakalap at ipinakita ng committee members na sina Senators Franklin Drilon at Francis Escudero, lumalabas na pinakamalaking halaga ang napunta sa mismong personal na dollar bank account ni Ligot.

Mula 2001 hanggang 2005, umabot sa $8.7 milyon ang kabuuang halaga na naideposito nito sa kanyang dollar account.

Nagawa pa umanong mai-withdraw nito ang karamihan sa laman ng nasabing account bago ito tuluyang maipa-freeze ng mga awtoridad at marekober ang natitirang $1.3 milyon sanhi ng kasong isinampa laban sa kanya at sa maybahay nitong si Erlinda Yambao Ligot.

‘Yan ay bago pa sila naipatawag ng Senado kaugnay sa plea bargaining agreement na binalangkas ng Ombudsman office at nagpalaya pansamantala kay retired Major Gen. Carlos Garcia, dating AFP comptroller din na unang sumabit sa isyu ng katiwalian sa pondo ng militar at sa isyu ng “pabaon” para sa mga retiradong heneral ng AFP.

At kundi dahil sa mga isyung ito, hindi sana mabubunyag sa publiko ang ginawang kalokohan nitong si Ligot at ng kanyang maybahay na nanatiling nakikipagmatigasan sa mga panawagan sa kanya ng Senado upang magbigay-linaw sa naturang kaso.

Sa ebidensiyang ipinakita ni Sen. Jinggoy Estrada, 10 properties sa Estados Unidos ang nakitang naka-rehistro sa pangalan ng asawa ni Ligot. Kasama rin doon ang ang ari-arian ng maybahay ni former defense secretary at AFP chief of staff Angelo Reyes na nagpakatiwakal matapos masangkot sa kasong katiwalian sa AFP.

Nagkaisa ang mga senador na dapat ay kasong plunder ang sana’y kinakaharap ngayon ni Ligot at ng maybahay nito.

Maraming hindi maipaliwanag si Ligot kung saan nito kinuha ang perang idineposito sa sariling dollar account kaya’t sa kanya ngayon naka-pokus ang mga senador.

Sana’y matapos kaagad ang pagdinig ng Senado sa kasong ito upang makasuhan na ang mga may sala.

Pero marapat din lang na samsamin ng gobyerno ang anumang ari-ariang tinamo ng mga nagkasala!

* * * * * * * *
SA ginanap na alumni homecoming ng Philippine Military Academy sa Camp Gregorio del Pilar, Baguio City kahapon (Sabado), ipinangako ni Pangulong Aquino sa mga nagsidalo na muling aangat ang moral ng militar dahil malapit nang makasuhan ang mga nasasangkot sa nabistong paglustay sa pondo ng AFP ng may mahabang panahon at ikinayaman ng maraming mga matataas na opisyal ng militar.

Hangad din ng Pangulo ang agarang pagsampa ng kaso laban sa mga Ombudsman prosecutors na sangkot sa kontrobersiyal na isyu ng plea bargaining agreement na ipinagkaloob kay retired Major Gen. Carlos Garcia, dating AFP comptroller na akusado sa kasong sa P300 milyon plunder sa pondo ng AFP.

Ipinangako rin ni P-Noy ang mahigit sa 20,000 unit ng pabahay para sa mga miyembro ng militar at ng kapulisan na uumpisahan ngayong taon.

Sa nasabing okasyon, maraming bisita ang nakapuna sa isang nakasabit na malaking banner at may nakatatak na “Arrogance is not part of our Discipline.”

Mukhang alam ng lahat kung sino ang pinatatamaan ng naturang banner.

Maganda sana kung nakita rin iyon ni Senator Antonio Trillanes IV!

* * * * * * * *
Walang makatiyak kung ano ang ipinakain kay Customs Commissioner Lito Alvarez nitong si Joey Yuchongco, ang hepe ng customs police na pinasisibak ng Ombudsman dahil sa hindi maipaliwanag na angking yaman matapos maisalang sa lifestyle check.

Ayaw kasing sundin ni Alvarez ang pinalabas na order ni Ombudsman Merceditas Gutierrez, na ngayo’y tinutuligsa ng Senate Blue Ribbon Committee dulot ng kontrobersyal na Garcia plea bargaining agreement.

Idinaan muna ni Alvarez sa legal office ng Bureau of Customs ang rekomendasyon ni Gutierrez laban kay Yuchongco para daw pag-aralan gayung Ombudsman na mismo ang pinagmulan nito.

Kung bakit ganito ang pagtrato  ni Alvarez sa kaso ni Yuchongco ay tanging siya lang ang nakakaalam.

Si Gutierrez at Yuchongco ay parehong “bata-bata” ng mga Arroyo.

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999-4333437 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply