Lalayas na pulis todas sa selosang misis

ISABELA-Hindi makapani-wala ang mga kamag-anak na sa madugong paraan magwawakas ang pagsasama ng isang pulis at misis nito matapos pagbabarilin ng babae ang asawa sa gitna ng kanilang pagtatalo hinggil sa pagseselos ng ginang sa District 3, Cauayan City.

Sa nakarating na ulat kay Col. Noel Calderon Alino, Team leader ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-Isabela), hindi na umabot nang buhay sa ospital si PO3 Herminio Dalog, 39 anyos, miyembro ng PNP Cauayan City matapos barilin ng asawa na si Cely Dalog, tubong Calamba, Laguna.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga tauhan ni Cauayan City police chief P/Supt. Amor dela Cruz, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa dahil sa hinala ng ginang na may babae ang kanyang mister.

Dahil sa labis na pagtatalak ng ginang, ipinasya ni PO3 Dalog na umalis na lamang ng bahay habang pinahuhupa ang galit ng kanyang misis. Agad itong nag-impake ng kanyang mga gamit ngunit sinundan ito ng asawa at muling kinompronta.

Pilit umanong pinigilan ng ginang ang asawa sa pag-alis kaya sa inis ay itinulak siya nito. Pasalampak na bumagsak sa sementong sahig ang ginang na lalo nitong ikinagalit.

Namataan ng ginang ang 9mm pistol na service firearm ng asawa na nakalapag sa upuan at makailang ulit na pinagbabaril ang mister.

Agad binawian ng buhay ang pulis dahil sa limang bala na tumama sa tiyan, hita at ulo nito.

Naaresto ng mga awtoridad ang ginang at sa presinto, labis-labis umano ang pagsisisi nito. Inilahad ng ginang na nadala na siya matapos na makailang beses niyang mahuli na may ibang babae ang asawa. Kamakalawa, nang muling magduda ay hindi nito tinigilan ang asawa at pilit na pinaaamin ngunit sa krimen nagtapos ang kanilang komprontasyon.

Nakapiit na sa selda ng Bureau of Jail Management and Penology sa Cauyan City si Gng. Dalog habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.- Felix Yoro MedranoJr.at Dan B. dela Cruz Sr.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply