Legal loggers singilin sa nasirang kalikasan

HABANG nababalitaan natin ang patuloy na pagkalagas ng buhay sa Mindanao dahil sa mga siyam-siyam na ulan at mala-Ondoy na baha, nagpapatuloy naman ang ating kaba na baka sa Luzon at Kabisayaan naman lumipat ang nagaganap doon.

Op kors, may gud nyus din dahil yung iba na inulan at binaha ay bumabalik na sa kanilang mga tahanan makaraan silang ulanin at bahain sa nakaraang tatlong linggo. At nagaganap ito sa ilang bahagi ng Mindanao pa rin, Kabisayaan at Kabikulan.

Hindi talaga maalis ang kaba natin dahil sa parte ng Luzon, lalo na sa Metro Manila at Gitnang Luzon, maghapon at magdamag na maulap at may ambon paminsan-minsan. Anong malay natin na isang araw ay basta bulagain na lang ang mga lugar na ito ng matitindi ring pag-ulan?

Alalahanin na buong mundo ang nakararanas ng hindi na maintindihang mga pag-ulan at pagbaha.

oOo

Dahil sa masamang panahon, naisip natin, Suki, ang mga sumira nang matindi sa ating mga kagubatan.

Kabilang dito ang maraming kongresman, senador at iba pang matataas na opisyal ng repablik ni Juan. Nakalbo ang mga kagubatan sa panahong halos lahat ng ito ay may konsesyon o kontraktor kaya sa logging.

Wala tayong nakitang sumunod sa patakaran para sa reporestesyon o pagtatanim ng puno ayon sa patakaran sa logging.

Itong Department of Environment and Natural Resources naman ay naging bulag sa pagsira ng mga legal logger sa kagubatan sa laki ng tinatanggap ng mga ito na suhol.

Ang militar din ay naging sekyu ng mga legal logger sa pag-ubos ng mga virgin forest matapos mapalayas ang mga rebelde na nagkukuta roon.

Puwede ba, PNoy, na singilin ang mga ito sa pagkamatay ni Juan sa baha at lanislayd kung may matinding ulan?-Rey Briones

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply