Leo Martinez, pinabalik si Vincent Daffalong sa Showbiz

SI LEO Martinez, ang Director-General ng Film Academy of the Philippines lang pala ang makapagpapabalik sa sikat na novelty singer na si Vincent Daffalong na sigurado naming maraming naghahanap at nakaka-miss dahil sa kahusayan nitong kumanta at magpatawa.

Nagpunta pala sa Japan si Vincent na pamosong-pamoso na nang umalis sa Pilipinas. Magkakasama sina Leo at Daffalong sa isang komedya na ididirek ni Joel Apuyan.

Ayon sa bantog na photographer na si Felix Magat, kung saan-saan nagtanong si Martinez para lang matagpuan si Vincent na ngayon pa lang ay ang dami nang naghihintay na mapanood muli sa puting tabing, sa telebisyon man o sa pelikula.

“Law Law Gang” ang pamagat ng obra ni Apuyan na produksyon naman ni Rolly Martinez mula sa pagla-line produce ni Marlon Damaso.

***

Ang isa pang nagbabalik sa eksena ay walang iba kundi ang pinasikat ng GMA Network noon na si Brownie Pansalin na nagbanda-banda nang mawala sa telebisyon.

“Ibabalik ko ang kasikatan nina Vincent at Brownie. Kasi, kailangang hindi mawalan ng project ang mga tulad nila dahil sa kanilang kahusayan,” paliwanag ni Apuyan.

Si Long Mejia ay kasama rin sa obra na nakipagmiting na kina Leo, Apuyan, Magat, Damaso at Rolly Martinez.

Kasama rin si Hero Bautista sa komedyang ito pero dahil nga abala rin ang batang komedyante sa kanyang pagtulong sa pamamahala ni Herbert Bautista sa Lunsod ng Quezon, hindi nakarating si Hero sa story conference ng pelikula.

“Nasa Israel si Hero at may seminar. Pero maganda rin ang role niya rito sa pelikulang ito,” pahayag ni Joel na nakapagdirek na ng maraming pelikula kasama ang dalawang obrang aksyon ni Jacky Woo.

***

Nakikiramay sina Ian de Leon at Bok Inciong, ang isa sa mga dating kasapi ng Masculados, sa kamatayan ng ina ni Zeny Marcelo-Poe, ang balo ni Conrad Poe na kapatid sa ama ni Fernando Poe, Jr.

Ibinalik na sa Magalang, Pampanga ang mga labi ng nanay ni Zeny pero sa Malabon pa lang kung saan tatlong gabing binangkay ang matanda ay nakipaglamay sina Ian at Bok.

Malungkot na malungkot sila sa kamatayan ng ina ni Marcelo-Poe dahil para na rin nilang ina ang magandang international make-up artist at bituin sa mga banyagang pelikula.

Nakikiramay din ang peryodistang pampelikula na si Danny Vibas sa pamilya ng Marcelo gayundin ang manunulat na si Joey Arrogante.  Boy Villasanta

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply