Lider ng CPP ayaw pakawalan ng militar

WALANG problema ang pagpapalaya sa nadakip na execom at politburo central committee member ng National Democratic Front-Communist Party of the Philippines, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), basta’t may maipipresentang ebidensya na ito’y may “immunity from arrest.”

Ayon kay AFP  spokesman BGen. Jose Mabanta, pawawalan ng military si Alan Jazmines (alyas “Dex,” “Tomas” o  “Arthur”) basta’t mapatunayang may sapat itong dokumentasyon na sakop ito sa Joint Agreement on Security and immunity Guarantee (Jasig).

Kailangan din umanong patunayan ni Jazmines na ginaganap nito ang kanyang tungkulin bilang kasapi ng peace negotiating panel noong nahuli siya.

“Apparently he was not. So with that, we doubt if he can be released,” ani Mabanta.

Nilinaw ni Mabanta na ipapaubaya na lamang ng AFP ang desisyon kung tuloy nitong ibibilanggo o pawawalan na si Jazmines sa negotiating panel ng gobyerno.

Hahayaan na lamang umanong magpasya ang Office of Presidential Adviser on Peace Process kung pagbibigyan ang kapritso ng CPP-NDF panel.

“But ako, sa Armed Forces we doubt,” ani Mabanta.

Tinukoy nito ang “siyam o sampung” kasong pagpatay o “murder” na may warrants of arrest laban sa lider ng mga rebelde.

Nabatid na na isang vault umano ang listahan ng mga opisyal na nakatala sa hanay ng NDF-NPA na pinagkakalooban ng Jasig.

Magugunitang hinihiling ng Communist Party of the Philippines (CPP) -NDF  na palayain si Jazmines, na nadakip noong Lunes na bispersa ng pormal na negosasyon sa Oslo, Norway.

Mismong si Luis Jalandoni, chairman ng NDF negotiating panel, ang nagpahayag na ang inaresto ay saklaw at nasa ilalim ng proteksyon ng Jasig.

Si Jazmines ay may hawak umanong Jasig document ID at aktibong sangkot sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng CPP-NDF at gobyerno noong termino ni dating Presidente Fidel V Ramos.

Posible umano ang ginawang pag-aresto ay kagagawan ng military upang sagkaan ang usapang pangkapayapaan. Verlin Ruiz

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply