Linisin, Ikarangal ang Maynila

ANG Lungsod ng Maynila ay isa sa lungsod na bumubuo sa Kalakhang Maynila na siyang capital city ng Pilipinas.

Dito nakatahan ang opisyal na tahanan ng Pangulo ng Pilipinas, ang Palasyo ng Malakanyang.  Isa sa pinaka-dinarayo ng mga turista sa lungsod ay ang Rizal Park o mas kilala sa tawag na Luneta.  Makasaysayan ang parkeng ito dahil dito binaril at inilibing ang pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.  Dito na rin itinayo ang kaniyang bantayog bilang pagpupugay sa kaniyang mga sakripisyo para sa bansang Pilipinas.

Paboritong pasyalan ito ng mag-anak maging ng magkasintahan.  Ilan taon din na nawala at kumupas ang atraksiyon ng Luneta subali’t sumailalim ito sa rehabilitasyon sa pamumuno ni Mayor Lim.  Unang binuhay ang Children’s Park na paboritong palaruan ng mga bata lalo na kung Linggo.  Binago na rin ang dancing fountain at ang signage ng Rizal Park sa bungad ng parke sa kahabaan ng Taft Avenue.  Sa ngayon, mas lalo itong dinadagsa ng mga turista at tumatagal ng mahigit sa isang oras taliwas sa mga lumipas na taon na minuto lamang ang itinatagal dahil nasalaula ito.

Isa din sa pagkakakilanlan ng Maynila ay ang higanteng relo na matatagpuan sa tuktok ng munisipyo dito na itinatayo noong 1930 ayon sa kasaysayan.  Nakaaakit ito ng mga dayuhan lalo na sa gabi kapag naiilawan ito.

Nahahati sa 6 na distrito ang Maynila at binubuo ng 897 mga barangay, pinakamaliit na yunit ng lipunan.  Bawat distrito ay may kinatawan sa Mababang Kapulungan at tig-anim na konsehal.

Livelihood:

Capital Assistance Program

Ayon kay Jay dela Fuente, officer-in-charge, Department of Social Welfare Manila, kabilang sa 11 point agenda ni Mayor Lim sa pangunguna ng Social Welfare Division, ang Capital Assistance Program (CAP) o ayudang pinansiyal para sa mga residente ng Maynila na nais makapagsimula ng maliit na negosyo.  Ito ay upang makatulong sa mga pamilyang Manilenyo na magkaroon ng disenteng kabuhayan at pamumuhay.

Sa panayam  kay Celerina Sangil, City Government Assistant Head ng Maynila, bilang bahagi ng CAP, nagpapaluwal ang Social Welfare Department ng mula P1,500 hanggang 2,000 sa bawat aplikante na interesadong magsimula ng munting pagkakakitaan.  “Ito ay one-shot deal lang at hindi na mauulit regardless kung successful o failure ang kanilang project.”

Kabilang sa mga dokumentong kailangang isumite sa pag-a-apply ng CAP ay project proposal.  Ayon kay Sangil, hindi problema ng isang aplikante kung siya ay illiterate o hindi marunong bumasa at sumulat para gumawa ng nasabing proposal.  “De kahon na o simplied yung aming application forms.  Inaalalayan din sila ng aming staff sa pagpi-fill-up ng aplikasyon.  Sa district offices na sila mag-aaplay na may kalakip na barangay clearance.”

Aniya, aabot ng halos 2 linggo bago i-release ang nasabing loan mula sa araw ng application.  “Weekly ang pagbabayad ng loan at walang partikular na halaga kung magkano ang nais na ibayad ng nag-loan.  Isang beses lang ang pagbibigay ng loan para marami pa ang makinabang sa programa.  Bahala na sila kung paano nila palalaguin ang maliit na puhunan na ipinagkatiwala sa kanila,” ani Sangil.

Habang hinihintay ang approval ng loan, sumasailalim din ang mga aplikante sa lecture na tinatawag na ‘parent effectiveness session with values formation  with values’ at basic enterpreneur’.   Sa pamamagitan nito, ani Sangil, mananariwa sa mga magulang kung paano pahahalagahan ng buong pamilya ang munting negosyo para sa kanilang kapakanan kasabay ang maayos na pagdadala ng pamilya.

Sinabi pa ni Sangil na nasa 504 barangays, 792 indibiduwal na ang benipisyaryo ng CAP noong 2010 sa 6 na distrito ng Maynila.  Umabot na rin aniya sa P1.112 milyon na ang kapital na pinakawalan ng lokal na pamahalaan.

Bukas ang aplikasyons sa CAP sa mga indibiduwal na kabilang sa PWD o People’s with disability, senior citizen, out-of-school youth, solo parents, abandoned at iba pang indibiduwal na may kaloob sa pagnenegosyo.  Wala itong pinipiling edad.

Skills training program:

Ito ay isa din sa matagumpay na programa ng Maynila, ang pagbibigay ng mga pagsasanay sa mga indibiduwal na nais magkatrabaho subali’t walang ideya kung ano ang papasukin dahil kulang sa kinakailangang  skills.

Tinukoy din ni Sangil na epektibo ang 17-day community based courses na libreng ipinagkakaloob ng Manila Manpower Center na matatagpuan sa Arroceros at Tayuman na pinamumunuan ni Gng. Fely Onanad.

Kabilang sa mga kurso dito ay ang: cooking and food processing; reflexiology and aromatheraphy; hotel and restaurant services; unisex haircutting; manicure and pedicure; silkscreen processing; curtain maker; bag making, throw pillow making; jewelry making; cell phone repair; consumer electronics; at building and witing installations.

“Marami na sa graduates namin ang agad na nakapasok ng trabaho at mayroon na ring ilan na nakapag-abroad mula sa short courses na kanilang pinagsanayan,” ani Sangil.

Kaya sa mga Manilenyo na kapos sa kapital pero naniniwalang may potensiyal ang  iniisip na negosyo, ano pa ang hinihintay ninyo?  Makipag-ugnayan na sa Manila Manpower Center na matatagpuan sa Arroceros, Maynila o tumawag sa telepono bilang # 523.71.35. Malay ninyo, ito na ang simula ng inyong asenso sa hinaharap. Linda Bohol

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply