Lola, 3 apo patay sa sunog

MAGKAKASAMANG natusta ang 65 anyos na retiradong guro at tatlo niyang apo nang mabigo silang makalabas sa nasusunog nilang tirahan kahapon ng madaling araw sa Parañaque City.

Kinilala ni Parañaque  City Fire Marshal Supt. Manuel Manuel ang nasawing matanda na si Venus Bacolod at mga apong sina Kim Gilbert Mendova, 14; Robert Mendova, Jr., 12 at Pilbert Mendova, 9, na pawang natagpuan sa ground floor ng natupok nilang tirahan sa Blk. 2 Lot 2 Hernandez Avenue, San Antonio Valley X sa naturang lungsod.

Base sa imbestigasyon ni SFO3 Teodorico Gatchalian, mahimbing na natutulog sa ikalawang palapag ng bahay ang mga biktima nang sumiklab ang apoy dakong alas-3:00 ng madaling araw na hinihinalang sanhi ng faulty electrical wiring.

Ilang mga kapitbahay ang nagtangka umanong gisingin ang mga nasawi subalit mabilis ang pagkalat ng apoy dahil gawa lamang sa lumang mga kahoy ang bahay.

Umabot lamang sa ikalawang alarma ang sunog bago naapula dakong alas-3:51 ng madaling araw at nadamay rin ang katabing bahay.

Nauna rito’y, nasunog din ang anim na kabahayan na nagsimula sa bahay ng isang Divina Serrano sa no. 5403 7th St., Sto Niño, Parañaque City, dakong ala-1:00 ng madaling araw na hinihinalang nagmula sa naiwang nakasinding katol.

Bagama’t walang iniulat na nasawi o nasugatan sa naturang sunog, nakaapekto naman ito sa pagkawala ng tirahan ng 12-pamilya at umabo sa halos kalahating milyong pisong halaga ng ari-arian.- Amor Virata

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply