“Loterya” ng PCSO, pinagtatawanan lang ng jueteng lords

PINAGTATAWANAN lang ng isang grupo ng mga jueteng lords sa Region 3 ang bagong programang sugal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) – ang Loterya
ng Bayan – na opisyal na sisimulan sa buwan ng Mayo.

Tatlong klase ng sugal ang kaakibat sa programa ng Loterya. Ang mga ito ay ang dating EZ2, Suertres at ang Pares (na walang pinag-iba sa jueteng.) Ito ang
dahilan kung bakit sinasabi ng PCSO na bilang na ang araw ng jueteng operations sa buong bansa!

Pero anang mga gambling lords, na pawang batikan sa jueteng, matutulad din lang sa STL (Small Town Lottery) ang kahihinatnan ng bagong sugal ng PCSO na
isinulong ni PCSO chairman Margie Juico.

Ibig nilang sabihin, malulugi din lang ito tulad ng STL. Mas gusto daw kasi ng taumbayan na tumaya sa jueteng dahil walang limitasyon ang taya hindi tulad ng
mga pasugal ng PCSO na may kamahalan ang presyo.

May parating na mensahe sa PCSO ang salitang ito ng mga jueteng lords. Ibig sabihin, kahit anong sugal pa ang ialok ng PCSO sa publiko ay hindi pa rin nito
kayang patayin ang jueteng!

* * * * * * * *

May kataasan ngayon ang singil ng PCSO sa sinumang kumpanyang nais makakuha ng prangkisa ng Loterya. Umaabot ito sa halagang P10 milyon. Bukod pa rito ang
itinalagang P50 milyon bilang capital stock ng aplikanteng kumpanya.

May nababalitaan na ako na ilan sa mga dating franchise holder ng STL – kasama na ang ilan sa mga jueteng lords na gumamit nito — ang kumuha ng prangkisa ng
Loterya.

Bagong kumpanya ang ginamit bilang “dummy” ng mga jueteng lords nang sila ay kumuha  ng prangkisa ng Loterya sa PCSO.

Hindi ba’t sabi ng PCSO noon na sasalain nilang mabuti ang lahat ng aplikante sa bago nilang programa matapos nilang isara ang STL nitong nakaraang buwan ng
Disyembre?

Pero paano nakakuha ng prangkisa ng Loterya ang grupo ng mga jueteng lords sa Pampanga, Bataan, Tarlac, at Pangasinan?

Mukhang susunod din ang mga nasa La Union, Ilocos, Isabela, Camarines, Laguna at Batangas!

* * * * * * * *

MAY ilang kalalakihang istambay diyan sa kanto ng P. Herrera at M. Cano streets sa Tondo, Maynila ang isinumbong sa atin dahil sa ginagawang pangingikil ng mga
ito araw-araw sa kawawang mga jeepney driver na namamasada sa nasabing lugar.

Sakop ng Barangay 4 ang nasabing lugar pero ang mga mangingikil daw ay mula sa kalapit na Barangay 7.

Galing ang sumbong na ito mula sa isang concerned resident na may cellphone number 092982211–! Nanawagan din siya kay Manila Mayor Fred Lim na sana’y
maaksyunan kaagad ang pangingikil na ito ng mga istambay sa nasabing lugar.

* * * * * * * *

ILANG kapitalista ng iligal na bookies ng karera ang pilit na sinusubukan kung hanggang saan talaga ang pagpapasensiya nitong si Pasay City Mayor Tony Calixto.

Kahit alam nilang tutol si Mayor Calixto ay pilit pa rin silang naglatag ng mga butas ng iligal na bookies ng karera sa paligid ng lungsod.

Ang ilan sa mga kapitalistang ito, ayon sa isang police source, ay sina Toto Lacson, Len Aguado, at Boy Corcuerra.

Guerilla-style ang ginagawa ng mga kapitalistang nabanggit. Ibig sabihin, wala silang basbas sa itaas.

Akala siguro nila ay hindi alam ng alkalde kung ano ang pinag-gagagawa nila sa
loob ng Pasay.

Minsan nang ipinahuli ang mga ito ni Col. Napoleon Cuaton, ang hepe ng Pasay City police, pero muling nakabalik ang mga kumag matapos daw lutangan ng mga
taong may kaugnayan lokal na pamahalaan at lokal na pulisya.

Kaibigan ko si hepe kaya’t puwede ko siyang tanungin hinggil sa bagay na ito.

Malamang magkaroon muli ng hulihan sa mga susunod na araw dahil tiyak na magpapalabas ng order si Mayor Calixto laban sa mga ito.

At hindi malayong kumilos rin laban dito ang mga tauhan ni General Nicanor Bartolome, ang hepe ng NCRPO na kadikit ng media!

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail sa boyetmunar@yahoo.comat malugod ko kayong paglilingkuran!Boyet Munar

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply