Lozano nagkaso na vs. Dominguez bros.

PORMAL nang nagsampa ng kasong car theft with murder sa Department of Justice ang pamilya nang pinaslang na car-dealer na si Emerson Lozano laban sa magkapatid na sina Roger at Raymond Dominguez, na pinaniniwalaang leader ng isang carjacking syndicate.

Kabilang sa naghain ng reklamo ang ama ni Emerson na si Atty. Oliver Lozano, inang si Norma, asawang si Rowena, mga anak na sina Pauline at Paolo at mga kapatid na sina Oliver Wendell, Evangeline at Evelyn.

Anila, nagsabwatan umano ang magkapatid at grupo ng mga ito upang nakawin ang sasakyang ipinagbibili ni Emerson, at pagpatay dito.

Mariin nang itinanggi ni Raymond na ang kanyang grupo ang sangkot sa car theft incidents at wala rin aniya silang kinalaman sa pagpatay kay Emerson.

Gayunman, naniniwala ang pamilya Lozano na mahina ang denial o alibi ni Raymond kumpara sa naging pagkilala dito ng star witness sa pagpatay kay Emerson na si Alfred Mendiola, na nagsabing miyembro rin siya ng Dominguez Carnapping Syndicate.

Kaugnay nito, ibinunyag ng pamilya Lozano na may plano na ring patayin si Mendiola dahil sa ginawa nitong pagtestigo laban sa mga Dominguez.

“Alfred Mendiola’s factual allegations and corroborative evidence are not disputed. The Dominguez defense is alibi which is the weakest due to positive identification and ability to instruct by cellphone and representative,” anang mga Lozano.

“There is a reported plot to kill [Mendiola]. The scenario is: destroy the credibility of Mendiola. Then create a perception of weak evidence, and Dominguez’ innocence thru publicity. Finally, kill Mendiola to acquit the accused,” dagdag pa ng mga ito.

Matatandaang si Emerson, kasama ng driver na si Ernani Sencil ay pinaniniwalaang kinidnap at pinatay ng isang carjacking syndicate.

Huling nakitang buhay ang mga ito noong Enero 12, matapos makipagkita umano sa prospective buyer ng ipinagbibili nitong Kia Carnival van sa Quezon City .

Unang natagpuang sunog ang bangkay ni Sencil sa Tarlac noong Enero 13, habang ang bangkay ni Lozano ay natagpuang sunog din sa Pampanga matapos ang dalawang araw.

Ang Dominguez Carnapping Syndicate din ang itinuturong salarin sa pagpatay sa isa pang car dealer na si Venson Evangelista, na ang pagkamatay ay kahalintulad ng isinagawa kina Emerson at Sencil.

REWARD SA GUNMAN NI VENSON

Naglabas na ang Philippine National Police ng P100,000 reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon upang madakip ang gunman ng isa pang biktima na si Venson Evangelista.

Ayon kay Special Investigation Task Group Evangelista-Lozano head, Chief Supt. Benito Estipona, umaasa silang mapabibilis ang pag-aresto sa gunman na si Rolando Talban, alyas Rolly, na posible ring si alyas Eduardo Fernandez.

Ipinaliwanag ni Estipona na si Fernandez na may mga kasong robbery with homicide at carnapping ang natuklasang may-ari ng kalibre 45 na nakita sa safehouse ng Dominguez Carnapping Group sa lalawigan ng Pampanga.

Nang makita aniya nila ang mga larawan nina Talban at Fernandez, nakita na magkamukha ang mga ito kaya’t posibleng iisang tao lamang ang mga ito.

Sinabi ni Estipona na si Talban ang nagsisilbing hitman ng grupo na pinamumunuan ng magkapatid na Dominguez.

Samantala, hinihintay na lamang ng Task Group ang resulta ng imbestigasyon ng PNP Crime Laboratory sa mga nakuhang ebidensya sa safehouse ng grupo.

Marami na rin aniyang paraphernalias na maaring magdiin sa magkapatid sa pagpatay kina Lozano at Sencil ngunit mas magiging matibay ito kung magpopositibo ang crime lab findings.

Isa sa mga ebidensyang nakuha ay ang seat cover na may bahid ng dugo na inaalam pa kung nagmula ito kina Lozano at Sencil. Bukod dito, kumuha rin ng sample ng packaging tape na nakuha sa safehouse at ikinumpara ito sa narekober sa bangkay ng dalawang biktima. Kyle Gatus/Evelyn Garcia

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply