LRT binulabog ng mga kontra sa fare hike

LUMUSOB ang ilang miyembro ng grupong Gabriela Youth sa Light Rail Transit Station sa Pedro Gil, Taft Avenue, Maynila kahapon ng umaga bilang protesta sa napipintong pagtaas ng pamasahe sa LRT at Metro Rail Transit.

Nagulat ang mga guwardya nang biglang magsisigaw at magkilos-protesta sa mismong ticket booth area ng LRT ang mga miyembro ng Gabriela Youth.

Bagama’t wala pang 10 ang mga ito, nakakuha naman sila ng atensyon ng napakaraming pasahero sa LRT nang maglabas sila ng mga hinaing sa pamamagitan ng flyers at karatula na bumabatikos sa napipintong umento sa pasahe sa LRT at MRT.

Sa kabila ng pakiusap ng mga guwardiya ng LRT na sa ibaba gawin ang kanilang kilos-protesta, nagpumilit pa rin ang mga ito at nanatili pa ng ilang minuto sa ticket booth area at humiga pa sa sahig ng LRT platform.

Naiwasan naman na magkaroon ng kaguluhan nang mapakiusapan ng mga guwardya ang mga militante na gawin na lang ang kilos-protesta sa ibaba ng LRT Station at tumalima naman ang mga ito.

Nauna rito, kinumpirma ni Light Rail Transit Authority Spokesperson Atty. Hernando Cabrera na paplantsahin na sa Pebrero 15 ang halaga ng dagdag-pasahe sa LRT at MRT.

Ito ay matapos ang dalawang araw na public consultation na nakasentro sa train fare adjustment noong nakaraang linggo.

Ayon kay Cabrera, tatalakayin din sa board ang petsa kung kailan ipatutupad ang fare adjustment at mga isyung lumutang sa public consultation, tulad ng 15% discount para sa mga estudyante at gawing paunti-unti ang pagtaas ng pasahe sa LRT at MRT.

Sa naunang inaprubahang provisionary fare ng LRTA Board noong Enero 11, gagawing P11 ang boarding fee at dagdag na P1 para sa bawat susunod na istasyon.

Kaugnay nito, pinagsusumite na ng Senado sa Department of Transportation and Communications ang build-lease-transfer record  ng MRT at LRT sa harap ng napipintong pagtaas ng singil sa pasahe sa tren.

Sinabi ni Senate Committee on Public Services Chairman Ramon “Bong” Revilla Jr. na dapat pag-aralan kung may paraan para mapigilan ang pagtaas sa pasahe sa naturang pampublikong sasakyan.

Una nang iginiit ni Senador Ralph Recto na ipahinto na ng pamahalaan ang pagtaas ng singil sa pasahe lalo’t may kompanyang nagpahayag ng interes na bilhin ang MRT.-Analyn rebuya,Amor Virata, at Nenet Villafania

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply