Mabahong health center sa Pasay ‘di malutas-lutas

WALANG pwedeng magpaalis sa amin kundi si Mayor lang!”

Ito ang mayabang na pahayag ng mga drayber na iligal na pumaparada sa harap, tagiliran at likuran ng Malibay Health Center sa Pasay City.

Bukod sa mga nakaparadang pampasaherong dyipni, inirereklamo rin ng mga residente ang bahong umaalingasaw sa loob ng clinic, na pinangangasiwaan ni Dr. Armando Lee.

Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 445 residente ang lumalagda sa isang manifesto na nagrereklamo sa kawalan ng aksyon ni Pasay City Mayor Antonino Calixto.

May basehan kaya ang ipinagmamalaki ng drayber na binanggit sa itaas?

Bagama’t sinusuportahan ni Chairman Dante Torres ng Barangay 174 ang reklamo ng mga residente, dahil “nabababoy” na ang kapaligiran ng health center, kailangan na nila ang seryosong aksiyon mula sa lokal na pamahalaan.

Bukod sa mga nakaparadang sasakyan, nagpapalala pa sa sitwasyon ang mga ihi at dumi ng mga tao at basura na nakatambak sa loob ng health clinic.

Ang baho ay hindi masikmura ng mga pasyenteng naghihintay sa waiting area ng Malibay Plaza.

Ang problema ay idinulog kay Mayor Calixto, Pasay City Rep. Emi Calixto-Rubiano, Arnel “Moti” Arceo at ilang tauhan ng Pasay City Traffic Enforcement na inatasan ng alkade upang tiyaking maaayos ang lumalalang kondisyon ng health clinic.

Ang mga naatasang traffic enforcer ang nagbabantay sa kapaligiran ng irereklamong lugar, pero pagsapit ng alas-diyes ng gabi ay off-duty na ang mga nagbabantay.

Muling namamayagpag ang mga sasakyan at pumaparada sa harap ng health clinic pagkalampas ng nasabing oras.

Maging ang chairman ng barangay ay wala umanong ngipin para ganap na alisin ang mga sasakyan na iligal na nakaparada sa paligid ng health center, na ginagawa ring ihian
ng mga drayber at iba pang dumadaan sa lugar.

Sa panayam ng Remate Expose, tahasang sinabi ni Dr. Armand Lee, ang nakatalagang physician sa health center, na simula pa noong siya ay nanungkulan sa klinika walong taon na ang nakararaan ay ganito na ang dinatnan niyang problema.

Lagi umanong mabaho ang lugar at naghambalang sa main gate ang mga sasakyan kaya’t hindi madaanan ng mga pasyenteng nagpapagamot sa health center.

Ang hiling ng mga nagrereklamong residente ay magkaroon sana ang lokal na pamahalaan ng “political will” upang mabigyan ng solusyon ang matagal nang problemang ito. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply