Magsyota, 1 pa minasaker sa Kawit, Cavite

CAVITE-Kamatayan ang sumalubong sa nalalapit na pagpapakasal ng isang seaman matapos itong burdahan ng saksak kasama ang kanyang girlfriend at isang kaanak sa karumal-dumal na masaker sa Brgy. Binakayan, Kawit.

Sa report ni Cavite Provincial Police Office (PPO) Sr. Supt. Danilo Maligalig, nangangamoy na ang bangkay ni Edgar Zerida, seaman, ang nobya nitong si Cristy Saromo, 36 anyos at pinsan nitong si Dennis Panganiban, 20 taong gulang nang matuklasan ang mga biktima.

Sinabi ni Maligalig na nadiskubre ang bangkay ng mga biktima kahapon dakong alas-8:45 ng umaga sa kanilang tahanan sa Bautista Compound, Brgy. Tramo, Binakayan ng nasabing lalawigan.

Ang mga biktima ay pawang tadtad ng saksak, nakagapos ang mga kamay at pinuluputan pa ng packaging tape ang mukha.

Posible umanong apat hanggang limang araw nang patay ang mga biktima.

Nabatid na ipinagtaka ng kanilang mga kaanak nang hindi makadalo si Cristy noong Sabado sa paanyaya para sa isang salu-salo ng kanilang mga kaibigan kaugnay ng nalalapit nitong pagpapakasal.

Maging ang tawag sa telepono ng tiyahin ni Cristy na si Lolita Solis, 59, para sa mga detalye sa kanyang pagpapakasal ay hindi rin sinasagot ng dalaga. Ito ang nagtulak sa mga kaibigan at kaanak ng dalaga na mag-usisa sa bahay nito.

Sinasabing umuwi lamang sa Pilipinas si Zerida para magpakasal sa kasintahang si Saromo.

Nadiskubre rin na nawawala ang mga alahas, salapi at iba pang mga kagamitan partikular na ang mga pasalubong ng naturang seaman na hinihinalang tinangay ng hindi pa nakilalang mga kawatan.

Dahil dito, tinitingnan ngayon ng mga awtoridad ang anggulong pagnanakaw na siyang motibo sa krimen. Verlin Ruiz/Rubie Garcia/Photo by Edgar Rabulan

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply