Malabon, Valenzuela libre-sona ng sugalan

MASIPAG na rin lang ang mga tauhan ni NCRPO chief General Nicanor Bartolome sa  kaiikot sa ilang bahagi ng Metro Manila para manita ng mga lumalabag sa Republic Act 1602 o ang anti-illegal gambling law, bakit hindi n’yo naman subukan  pasyalan ang CAMANAVA area partikular ang Malabon at Valenzuela?

Tiyak na marami kayong mabibingwit katulad ng ginawa n’yo kamakailan sa area ng  Muntinlupa, Taguig at Pateros kung saan nadakip n’yo ang ilang personel nitong jueteng lord na si Allan Manuela. (Ano na nga ba ang nangyari sa mga nadakip ninyo, sir? Sana’y “no-take policy” pa rin ang adbokasiya mo!)

Kaya ko naman nabanggit ang Malabon at Valenzuela area ay dahil usap-usapan ngayon ng mga kolektor na pulis na libre-sona na sa iligal na sugal ang nasabing mga lugar.

Buhay na buhay na naman ngayon itong si Buboy Go sa kanyang santambak na video  karera machines na nakalatag sa buong Malabon. Ganon din itong si Rey Recto na nakapaglatag ng kanyang VK sa buong Valenzuela.

Habang todo-abala din itong si Mario Bokbok at ang kanyang mga alipores sa
kahahanap ng mga patay sa Malabon para lagyan ng kanyang sakla. Pero may patay man o wala, nagkalat ang mga puwesto ng sakla ni Mario Bokbok sa Malabon.

Sa Caloocan naman, tuloy pa rin ang “jueteng” nitong sina “RR” na ang
nagsisilbing mga kabo ay mismong mga kapitan pa raw ng barangay sa area ng Bagong Barrio.

Hindi naman mangyayari ang ganito kung walang kuntsabahan sa pagitan ng pulisya at ng mga halal na opisyal ng mga nabanggit na lugar.

Kaya’t kung totoo si Gen. Bartolome sa “no-take policy” niya, bakit hindi niya
kausapin si Chief Supt. Ed Ladao, ang director ng Northern Police District (NPD)  na mismong may sakop sa CAMANAVA area.

Sa tingin ko ay maraming dapat pag-usapan itong sina Chief Supt. Ladao at Gen. Bartolome tungkol sa illegal gambling operations sa CAMANAVA area.
Pero bago kausapin ni Gen. Bartolome itong si Gen. Ladao ay mas maganda kung kakausapin muna niya ang mga tauhan niyang sina Col. Santiago, ang intelligence chief ng NCRPO, at si Col. Cabreros, hepe ng Regional Public Safety Battalion na naka-base rin sa NCRPO.

Baka kasi kausap na nina Col. Santiago at Col. Cabreros ang mga gambling lords sa Camanava area sa pamamagitan ng mga pulis-kolektor nilang sina Lito “Bebet” Aguas, Arnold Sandoval at Mike Biscocho.

Mukhang iniiwasan kasi ng mga bata mo, Gen. Bartolome, ang CAMANAVA area. O baka naman  sir may kinalaman na rin ang opisina mo sa lugar na ito.

Siyanga pala, Gen. Bartolome, alam mo ba na itong si Aguas ay bagman-kolektor din ng NPD?

Kaya dapat mong kausapin si Chief. Supt. Ladao bago isipin ng taumbayan na
“moro-moro” lang talaga ang “no-take policy” mo!

* * * * * * *
‘COA-kot’ dio, ‘COA-kot’ doon!

SIKAT na naman ang tanggapan ng Commission on Audit (COA) hindi dahil sa
kagalingan kundi dahil sa isyu ng kabulukan na sinumpaan at isinalaysay ni
retired Col. George Robusa, ang dating budget officer ng AFP na nagbunyag
tungkol sa multi-milyong pisong “pabaon” diumano kay dating defense secretary at AFP chief of staff Angelo Reyes.

Sa Senate hearing, sinabi ni Robusa na alam at aprubado ng resident auditor ng  COA sa AFP headquarters sa Camp Aguinaldo, Quezon City ang milyung dolyares na may halagang P50 milyon na ibinigay niya kay Reyes bago ito mag-retiro noon upang maging kalihim ng Department of National Defense (DND).

Ibig sabihin ni Robusa, kumita rin sa pamamagitan ng komisyon ang naturang
auditor sa naganap na transaksyon dahil kung hindi ay tiyak na di aaprubahan ng  auditor ang dokumentos ng salaping itinabi ni Robusa para ibigay umano kay Reyes.

Kung sinuman itong resident auditor ng COA na tinutukoy ni Robusa ay tiyak na ipatatawag siya ng Senado at Kamara para sa mga susunod na mga hearing.

Nakatakda rin siyang ipatawag ng Department of Justice (DoJ) kung saan
nakatakdang magsumite si Robusa ng kanyang affidavit para sa mga susunod na hakbang na gagawin ng pamahalaan tungkol sa nasabing kaso.

Para sa akin, hindi na kataka-taka kung bakit may mga taga-COA ang nasasabit sa maraming anomalya sa ating gobyerno. Palagi kasi silang kasali sa hatian sa tuwing may pinagkakakitaan ng malaki.

Isipin n’yo na lang kung makailang beses nang nasunog (o sinunog?) ang main
office ng COA sa Quezon City!

* * * * * * *
Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.comat malugod ko kayong paglilingkuran!Boyet Munar

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply