Malakanyang ‘speechless’ sa panukalang emergency power kay PNoy

TIKOM ang bibig ng Malakanyang sa naging panukala ng ilang mambabatas na pagkalooban ng emergency powers si Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III sa oras na lumala ang kaguluhan sa ilang bansa  sa Gitnang Silangan at Hilagang Africa na maging dahilan ng krisis sa suplay ng langis sa Pilipinas.

Sinabi ni Deputy Presidential spokesperson Atty. Abigail Valte na sa ngayon ay nakatuon ang kanilang pansin sa full repatriation ng mga OFWs sa mga nasabing bansa.

“According to (Energy) Sec. Jose Rene Almendras, our supply will remain stable. Can’t comment on emergency powers as we have not been apprised of the actual specifics that the lawmakers intend to propose,” ayon kay Valte.

Kapuwa iminungkahi nina Samar Rep. Mel Senen Sarmiento at Ang Kasangga Party-list Rep. Teodorico Haresco na kailangan ng paghandaan ng Kongreso ang pagbibigay ng karagdagang kapangyarihan kay Pangulong  Aquino kapag lumubha ang krisis sa langis dulot ng mga kaguluhan sa mga bansang pinagkukunan ng produkto.

Hangad ng mga kongresista na ngayon pa lamang ay magsagawa na ng imbentaryo ang Department of Energy sa imbak na mga produktong petrolyo sa bansa upang maiwasan na magkaroon ng artipisyal na kakapusan ng suplay nito.

Hindi anila  maaalis ang posibilidad na may mga kumpanya ng langis ang maaaring magsamantala sa sitwasyon at magtago ng kanilang produkto ngayon para maibenta sa mas mahal na presyo kapag nagkaroon ng krisis.

Ipinanukala  rin ni Sarmiento na maglaan ang pamahalaan ng buffer fund katulad ng dating Oil Price Stabilization Fund (OPSF) upang mapanatiling mababa ang bentahan ng langis.

“There are dire indications that the situation in the middle east will even worsen so I think that this early, our energy and economic experts should start drawing up worst-case scenario contingency measures, including the possibility of granting emergency powers to the president, oil rationing and the temporary reinstitution of the OPSF,” ayon sa mambabatas.

Sa ulat, nagbabala ang ilang kumpanya ng langis na posibleng umakyat muli ang presyo ng kanilang produkto sa susunod na linggo kung magpapatuloy ang pagtaas ng halaga ng krudo sa world market.

Inirekomenda naman ni Haresco, sa mga government owned and controlled corporations tulad ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) na mamuhunan sa oil stocks sa oil futures market gayundin ng corn at soya stocks sa Chicago futures market.

Maaari  rin aniyang makipagpalitan ng kalakal para sa phosphate at iba pang abono ang Department of Trade and Industry- Philippine International Trade Center (DTI-PITC) upang siguruhing magiging matatag ang suplay ng pagkain sa gitna ng krisis sa langis.

Subalit, ang naturang mungkahi ay kaagad na kinontra ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, at iginiit na kailangan lamang ng pamahalaan ay batas upang labanan ang umano’y oil cartel sa bansa.

Sinabi ni Escudero, chairman ng senate committee on national defense and security, na ang kailangan ngayon ng gobyerno ay karagdagang ngipin para labanan ang oil cartel at hindi ang emergency power.

“What kind of emergency powers are they proposing to give? Instead, we should amend the oil deregulation law to give the DOE more powers to intervene and prevent abuse of market power by the players especially the big three,” ayon sa senador.

Ipinaliwanag ng senador na hindi natupad ang orihinal na layunin ng Oil Deregulation Law of 1998 na magkaroon ng kompetisyon ang mga kompanya ng langis sa bansa para magpababaan ng presyo ng kanilang produkto.

Sa halip na magkaroon ng kompetisyon, sinabi ni Escudero na tila nagkaroon pa ng sabwatan ang mga oil companies para diktahan ang presyuhan ng produktong petrolyo sa lokal na merkado.

Binigyang diin nito na ang karagdagang ngipin sa DOE ay pangmatagalang solusyong sa problema ng mataas na presyo ng langis sa bansa. Kris Jose

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply