MALAMIG NA LANGIT (Ika-anim na labas)

NAG-ALAALA ang mag-asawang Akong at Melinda nang mag-aalauna na ng hapon ay hindi pa rin bumababa ang inaakalang bisita ng kanilang Senyorito Romano.

“Baka nahihiyang bumaba!” sabi ng babae.

“Pero malilipasan siya ng gutom. Puntahan mo na kaya at isama pababa. Lalong magagalit sa atin si Senyorito Romano kapag nagkasakit iyon dahil hindi natin inasikaso,” utos ng lalaki.

Napilitang muling umakyat ng second floor si Aling Melinda.

Kumatok sa nakasaradong pintuan ng silid ni Romano.

Nang walang sumagot sa loob, dahan-dahang itinulak ng una pabukas ang pintuan.

Anyong tulog pa rin ang babae. “Mam, gumising po muna kayo. Mamaya na lang ninyo ituloy ang pagtulog kapag nakapagtanghalian na kayo,” sabi ni Aling Melinda.

Hindi tuminag sa pagkakahiga ang babae.

Naisipang lapitan ito ng una …

Sinipat ng tingin …

Tingin niya’y hindi ito humihinga pero hindi naman ito manika.

Taong-tao sa tingin niya …

Kumikinig ang isang kamay na dinutdot ito ni Aling Melinda ….

Parang may spring na biglang napaatras ang kanyang kamay.

Malamig ang babae…

Parang yelo ….

Ibig sabihin, patay na ang babae.

Karipas ng takbo palabas ng silid ni Romano si Aling Melinda.

Halos mahulog sa sahig.

Takang sinalubong ni Mang Akong ang namumutlang asawa.

“B-Bakit? Ano ang nangyari?” tanong ng una.

“A-Ang bisita ni Senyorito ….” biting tugon ni Aling Melinda.

“Ano?”

“Patay na!”

“H-Ha? Bakit mo naman nasabi?” nanlalaki ang mga matang tanong ni Mang Akong sa asawa.

“Hindi na siya humihinga at ang lamig!” nerbiyos na sagot ng matandang babae.

“Kailangang malaman ni Senyorito Roman ang nangyari sa bisita niya,” sabi ng lalaki.

“Tawagan natin siya. Dapat niyang malaman ang nangyari sa kanyang bisita,” tarantang sabi naman ni Aling Melinda.

Ang lalaki ang hangos na dumampot sa telepono sa kalapit … Dumayal …

Tiyempong hindi busy si Romano kaya madaling nasagot ang kanilang tawag.

“Ikaw pala, Mang Akong. Bakit ka tumawag?” tanong ng binata.

“Y-Yung bisita mong babae sa kuwarto mo, di na humihinga. Patay na yata, Senyorito,” nagpapanik na report ng matandang lalaki sa kanyang amo.

Gimbal si Romano sa naisip na hindi niya nai-lock ang pintuan ng kanyang silid.

Nakita tuloy ng mag-asawang kasambahay si Hyacinth na hindi nila alam ay talagang patay na.

“Relaks lang kayo riyan at pupunta na ako. At ipangako ninyo sa akin na walang makakaalam na may patay sa kuwarto ko. Maliwanag?” instructions ni Romano.

“O-Opo, Senyorito,” sagot naman ni Mang Akong.

“A-Ano ang sabi ni Senyorito?” karakang tanong ni Aling Melinda sa asawa nang ibaba na ang hawak na telepono.

“Pauwi na raw siya at bilin niya, huwag daw nating ipagsasabi kahit kanino na may bangkay sa kanyang kuwarto,” sagot naman ng asawa.

“B-Bakit kailangan nating ipaglihim na may patay dito?” takang tanong ni Aling Melinda.

“Hindi ko alam. Basta’t sumunod na lang tayo!” sagot naman ng asawa.

Hindi na kumibo ang matandang babae.

Samantala, nag-undertime si Romano.

Sa mga sandaling iyon, hangos na siyang papauwi.

Gusto niyang masiguro na hindi magli-leak ang sekreto niya tungkol sa nawawalang bangkay ni Hyacinth. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply