Maralita kinondena ang pagtaas ng singil sa tubig

MAGLULUNSAD ng isang piket-protesta ngayon araw Miyerkules, Pebrero 3, sa tanggapan ng Manila Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa Quezon City ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) para tutulan ang napipintong pagtaas ng singil sa tubig, na anila’y “panibagong pasakit” sa maralitang-lungsod.

Nanawagan din ang grupo kay Pangulong Benigno Aquino III na pigilan ang dagdag-singil, na ipatutupad sa susunod na linggo.

“Masakit sa amin ito lalo’t nagtataasan din ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, at nakahanay pa ang pagtaas ng mga pamasahe,” ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng grupo.

Aniya, katambal ang pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang bilihin, pati na ang napipintong pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT, lalong nawawalan ng halaga ang kakarampot na kita ng mga maralita sa araw-araw.

“Inaaprubahan ng gubyerno ni Aquino ang lahat ng mga dagdag-singilin, pero matigas siya pagdating sa dagdag-sahod,” ani Badion. “Sino na nga ba raw ulit ang boss niya?”

Hamon ng Kadamay kay Aquino, hanapan na ng permanenteng solusyon ang palagiang pagtaas ng singil sa tubig sa pamamagitan ng pagwawakas sa pribadong control sa industriyang ito,  gayundin sa iba pang batayang serbisyo.

Dagdag pa nito, agarang tugunan ng pamahalaan ang panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod, na matagal na umanong pangangailangan bago pa man ang pinakahuling pagsirit ng mga presyo. D’Jay Lazaro

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply