Marcos sa Libingan ng mga Bayani, bahala na si Binay

IPINAUBAYA na ni Pangulong Benigno Aquino kay Vice-President Jejomar Binay ang desisyon kaugnay sa hirit ng mga Marcos na ilagak na sa Libingan ng mga Bayani ang labi ng dati at namayapang Pangulong Ferdinand Marcos.

Sa  panayam kay Pangulong Aquino matapos ang iskedyul nito na Pilipinas Got Bukas sa Rizal High School, Pasig City ay sinabi nito na inatasan niya si Binay na magdesisyon sa usaping ito upang maiwasan na masabihang “bias.”

Kumpiyansa naman itong mabibigyan ng patas na pag-aaral at resulta ang bise-pre-sidente. Inamin ng Chief Executive na marami ng quarters ang nagsabi na hindi siya dapat na makialam sa usapin dahil pagbibintangan lamang siya na namemersonal sakali at iba ang kanyang maging desisyon sa isyung ito.

“At noong ako po ay hindi pa pangulo alam naman po ninyo ang opinyon ko at hanggang sa ngayon ay hindi pa nagbabago,” madiing pahayag ng Punong Ehekutibo.

Iginiit ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na dapat na rin ilibing sa LMB ang kanyang ama na naging pangulo ng bansa dahil hindi lamang ito isang magaling na sundalo  kundi ito rin ang pinakamatagal na naging Pangulo ng Pilipinas.

Dumagsa noon ang mga grupong  humarang sa paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani matapos itong mamatay noong 1989 dahil sa paglalagay nito sa bansa sa martial law sa loob ng mahabang panahon.

Sinabi pa ng senador na  maliwanag na pulitikal ang isyu kung bakit may mga humaharang sa paglilibing sa kanyang ama sa Libingan ng mga Bayani. Kris Jose

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply