Mas mabigat na parusa sa cyber crimes

MABIGAT na parusa ang naghihintay sa cyber criminals sa sandaling maisulong ng Commission on Science and Technology and Engineering sa pangunguna ng chairman nito na si Senador Edgardo Angara ang Public Private Partnerships para matiyak na masusugpo sa lalong madaling panahon ang cyber crimes.

Sa ginanap na pagdinig Lunes, Pebrero 28, sa Senado na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa gobyerno at pribadong sektor, inilahad ni Angara, may-akda ng Senate Bill No. 52 o ang Anti-Cybercrime Bill, ang kanyang pangamba hinggil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng cybercrimes sa bansa tulad ng fraud, child pornography, illegal access at marami pang uri ng krimen.

Layunin ng naturangpanukala na patawan ng mas mabigat na parusa ang mapatutunayang cyber criminals.

Sa pamamagitan din ng nasabing batas, bubuo ng isang investigating body sa ilalim ng tanggapan ng Commission on Information and Communications Technology na siyang mangangasiwa sa imbestigasyon at pagpaparusa sa mga mapapatunayang cyber criminals.

Ayon sa COMSTE, irerekomenda nila ang pagsasanib puwersa ng mga awtoridad ng Pilipinas at ng iba’t ibang bansa na may malaki ring suliranin sa cybercrimes upang tuluyang masawata ang ganitong uri ng krimen.

Ani Angara, hindi simpleng krimen ang cyber crime sapagkat lubhang naaapektuhan nito ang karapatang-pantao ng isang indibidwal, ang demokrasya at ang rule of law.

Kaugnay nito, nilalayon din ngayon ng senador na palawakin ang naturang batas upang maging ang mga mobile SIM card at laptop computer ay mapangalagaan din sa mga krimeng tulad nito.  Vicky Cervales

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply