May nakawan, ano ngayon?

TUMITINDI ang mga alegasyon na binitawan ng mga humarap sa Senado upang patunayan ang umano’y pagnanakaw ng mga opisyal ng militar, subalit tila walang reaksyon ang taumbayan sa kanilang mga naririnig.

Sanay na sila. Alam na nila na may katiwalian, hindi lamang sa militar kundi pati sa ibang ahensya ng gobyerno. Naniniwala sila na may nakawan, korapsyon at pang-aabuso sa puwesto.

Sinanay ang taumbayan ng media, ng pelikula, ng mga nobela, ng mga imbestigasyon. At dahil nga sanay na ang taumbayan, hindi na sila nagrereklamo. SOP na yan, ayon sa marami. (Kaya nga ang daming gustong tumakbo sa pagka-barangay kapitan o konsehal. Ito lang ang paraan na kumita ng mabilis.)

Pero talaga bang may napapatunayan na katiwalian liban sa mga maliliit na kaso na kinasasangkutan ng mga maliliit na empleyado sa malalayong lugar? Meron bang nahatulan o nademanda man lang na malalaking isda?

Meron naman. Nandiyan nga si Garcia, at si Erap noong araw. Ngunit ano ang nangyari sa kanilang kaso? Nakatakbo pa bilang pangulo si Erap nitong nakaraang Mayo. Si Garcia naman ay nakikipagkasundo pa na ibalik na lang niya ang kalahati ng kanyang nahakot na kayamanan.

Sinasabi ni Pangulong Aquino na dapat sumunod tayo sa tuwid na landas. Dapit itong ginagawa, hindi lamang sinasabi. Dapat seryosohin ng bagong administrasyon ang pagpapatupad ng batas.

Hindi dahil tahimik lamang ang taumbayan at tila walang reaksyon sa mga imbestigasyon ay wala na ring gagawin ang mga nasa poder ngayon.

Dapat maglinis ng hanay sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, hindi yong sila-sila mismo ang nag-iinggitan at nagtatapunan ng putik sa isa’t isa.

Halimbawa, ilang buwan na ring umuugong na nakaambang palitan ang pinuno ng isang ahensya na may kinalaman sa IT. May mga tao kasi sa isang kampo ng administrasyon na ayaw sa taong ito.

Subalit habang umuugong ang sinasabing balita, hindi naman gumagalaw ang papeles ng mga proyekto sa nasabing ahensya at hindi nakakasuweldo ang mga ordinaryong empleyado – tulad ng mga drayber at mga “casual employees.”

Hindi lamang pagnanakaw ang problema sa gobyerno, nandiyan rin ang sistemang hanapbuhay lang ang pagiging empleyado sa pamahalaan, hindi paglilingkod bayan.

Kung papaniwalaan natin, tila si Pangulong Aquino lamang ang nasa puwesto dahil gustong maglingkod o napilitang maglingkod dahil sinulsulan ng mga gustong maupo sa poder.

Sumisingaw na ang baho ng mga karumaldumal na gawain ng mga tao sa gobyerno. Panahon nang maging seryoso si Aquino sa paglilinis ng kanyang bahay. Huwag na muna siyang maglaro.-Joe Torres

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply