Metal pieces sa Maguindanao massacre victims mula sa operasyon?

INIHAYAG ng isang abogado ng depensa sa Maguindanao massacre ang posibilidad na ang nakuhang mga piraso ng metal sa katawan ng ilang biktima sa karumal-dumal na krimen ay mula sa isinagawang operasyon sa kanila bago pa naganap ang krimen at hindi sa tama ng mga bala ng baril.

Ito ang ibinunyag sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 221 at sinusubukan umano ng mga abogado ng depensa na bawasan ang kredibilidad ng isinagawang awtopsiya ni National Bureau of Investigation (NBI) medico-legal officer Dr. Ruperto Sumbilon sa katawan ng dalawang biktima at testimonyang isinalaysay nito sa korte.

Sa pag-cross examine ni Atty. Paris Real kay Sumbilon, itinanong nito sa medico-legal officer kung inalam ba niya sa mga kaanak kung na-operahan ba sina Rasul Daud at Norton Edsa noong nabubuhay pa sila.

Inamin naman ni Sumbilon na hindi na niya nagawang alamin pa ang bagay na ito sa mga kaanak ng biktima.

Matatandaang, minamaneho ng dalawang biktima ang ilang convoy ng sasakyan na papunta sa Shariff Aguak upang isumite ang election papers ni dating Buluan Vice Mayor Esmael “Toto” Mangudadatu.

Iginiit ni Atty. Real na dahil hindi ballistics expert si Dr. Sumbilon, hindi nito matutukoy kung ang bahagi ng metal na nakuha sa katawan ng mga biktima ay mula sa surgical operations na isinagawa sa kanila bago mapatay.

Hindi rin umano alam ni Sumbilon kung papaanong ipre-preserba ang piraso ng mga metal na nakuha sa katawan ng mga biktima.

Hindi na nakapagpatuloy si Atty. Real sa kanyang pagkuwestiyun sa nabanggit na usapin sapagkat nagpahayag na ng pagtutol ang panig ng prosekusyon sa pamamaraan ng kanyang pagtatanong.

Nanindigan naman ang medico-legal officer na may alam siya sa pagpreserba ng nasabing mga metal na nakatakdang gawing ebidensiya sa isang kaso.  Robert Ticzon

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply