Mga baklang detenido sa Bahrain, palayain – PROGAY

BINATIKOS ng  progresibong grupo ng mga Pilipinong bakla ang pag-aresto ng 127 kalalakihan na dumalo sa kasal ng dalawang homosexual at   lumalalang human rights violations sa  Bahrain.

Nanawagan si Goya Candelario, tagapagsalita ng Progressive Organization of Gays in the Philippines (PROGAY) sa pamahalaan ng Bahrain na igalang ang karapatang pantao na nagpoprotesta laban sa naghaharing pamilya nito, at pati na din sa mga homosexual sa bansang Arabo.

Nito lang Pebrero 2, inaresto ng mga pulis ng Bahrain ang 127 kalalakihan mula sa Syria, Lebanon at iba pang kaharian sa Middle East dahil umano sa isang iligal na kasal ng dalawang homosexual.  Ang nasabing kasal ay naganap sa Hidd, isang konserbatibong barangay sa Muharraq Island ng Bahrain.

Ayon sa pulisya, dinampot ang mga dumalo sa kasal dahil sa paggamit ng kolorete sa mukha, pagsusuot ng damit pambabae at pag-inom ng alcohol. Nagsasagawa na din ang mga awtoridad ng imbestigasyon kung ang mga naaresto ay nagsagawa ng pagtatalik sa kapwa kalalakihan.

Nag-aalala si Candelario na maaaring pinagmamalupitan na ang mga detenidong mga bakla dahil sa nagaganap na mga malawakang kilos protesta ng mga mamamayan ng Bahrain.

“Natatakot kaming mga baklang Pilipino sa kalagayan ng aming mga kafederasyon sa Bahrain, dahil nakita namin ang lupit ng mga security forces na pumatay sa mga rallyista na nananawagan lamang ng demokrasya,” ang sabi ni Candelario.

Nanawagan ng PROGAY sa pamahalaan ng Bahrain na pakawalan na sa lalong madaling panahon ang 127 bading at bigyan na ng higit na kalayaan ang mga bakla sa kaharian alinsunod sa mga human rights declarations ng United Nations.

Sumusuporta din ang PROGAY sa lumalakas na people power revolutions sa Egypt, Tunisia, Yemen, Iran at Libya. Sinabi ng mga militanteng bakla na panahon na para umusbong ang demokrasya sa mga rehimen na may matagal nang kasaysayan sa pagsupil sa karapatan ng mga bakla at mamamayan.

Ang homosexuality ay iligal at may karampatang mga parusa sa mga bansang Islamic, at madalas mandahas ang mga pulis, secret agents at military sa mga bakla. Pati mga pag-uusap sa internet ng mga bakla ay tinutugis,ayon sa grupo.

Umaasa ang PROGAY na lalakas ang mga kilusan ng mga lesbian, gay, bisexual, at transgender sa Middle East, at bibigyan na sila ng pagkakataon na magmahal nang malaya sa paglabag ng karapatang pantao.-D’Jay Lazaro

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply