Mga kalamidad tapatan ng sapat na calamity fund

GAANO ba kalaking pondo at iba pang katugunan ang inihahanda ng pamahalaan laban sa mga kalamidad?

Tayo’y nagtatanong dahil napakalaganap na ang hirap at gutom sa hanay ng mga biktima ng kalamidad.

Lalo tayong nagtatanong dahil marami na ang mga lokal na pamahalaan ang nagsasabing said na said na ang kanilang mga calamity fund at nadadamay na ang pondo ng iba pa nilang mga ahensiya para sa pangangailangan ng mga biktima.

Hindi lang ang maraming lalawigan, bayan at barangay sa Kabisayaan, Kabikulan at Kamindanaoan ang nagsasabing said na ang kanilang mga pondo kundi ang ilang lalawigan sa Luzon gaya ng Isabela.

Talaga namang kakaiba ang panahon ngayon dahil kung kumana ang init, sobra at kung kumana ang ulan, sobra rin.

Kaya naman kung hindi matutuyuan ang mga palay at iba pang kabuhayan ng mga biktima, nalulunod naman ang mga ito.

Ang higit na masama, nasisira ang kinabukasan ng lahat ng mga biktima.

oOo

Matanong natin ngayon ang mga onorabol kung ano-ano na ang kanilang mga ginagawa.

Sa bahagi ng Palasyo at Kongreso, talaga bang hanggang sa limang porsiyento lang ng mga kabuuang badyet ng nasyonal at mga lokal na pamahalaan ang para sa kalamidad?

Paano kaya kung lakihan ang pondong pangkalamidad?

Paano rin kung tapyasan din ng malaki ang mga pork barrel ng mga ito para sa pagbangon mula sa pagkakalugmok ng mga biktima?

Alalahaning may P70 milyong pork barrel ang bawat kongresman at P200 milyon ang bawat senador sa loob ng isang taon.

May kanya-kanya ring pork barrel ang mga miyembro ng gabinete, gobernador, meyor at kapitan.- Rey Briones

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply