Mga Pinoy ligtas sa 6.3 quake sa New Zealand

WALA namang mga Filipino na nasaktan o kabilang sa 65 kataong nasawi sa nangyaring malakas na lindol sa New Zealand kahapon ng umaga.

Kaagad iniulat ni Philippine consul general to New Zealand Marcos Punsalan na patuloy ang kanilang monitoring sa sitwasyon sa mga apektadong lugar, partikular sa Christchurch City na siyang sentro ng pagyanig.

Ayon sa opisyal, tinatayang may 2,000 Filipino sa Christchurch na siyang second largest city sa New Zealand.

Samantala, patuloy na inaalam ng mga otoridad ang iniwang pinsala na dulot ng magnitude 6.3 na lindol na yumanig sa New Zealand.

Sa inisyal na report, maraming gusali ang nasira sa Christchurch na siyang sentro ng lindol at marami rin ang sugatan.

Samantala, inihayag naman ni New Zealand Prime Minister John Key na patuloy nilang inaalam ang tunay na bilang ng mga nasawi at nasugatan sa lindol.

Sa isang live video footage, ipinapakita ang ilang nag-collapse na gusali at mga mamamayan na nagsisigawan habang tumatakbo sa gitna ng lansangan dahil sa panic.

Ayon kay Christchurch Mayor Bob Parker, nasa pinakamataas na palapag siya ng gusali ng City Council at inihagis siya ng sobrang lakas ng pagyanig.

Nawasak naman ang simbahan malapit sa sentro mismo ng lungsod.

Kaagad na isinara ang paliparan habang inilikas naman ang mga pasyente sa Christchurch Hospital.

Naputol din ang linya ng kuryente at komunikasyon, maging ang tubo ng mga tubig kung kaya’t bumaha sa lansangan.

Habang ang mga sasakyan ay nabagsakan ng mga nag-collapse na gusali.

Kaagad nasundan ng magnitude 5.6 na aftershock ang naturang lindol.

Metro,  karatig- lalawigan nilindol

Niyanig ng magnitude 4.1 na lindol ang Metro Manila at iba pang lalawigan sa Luzon, ilang oras matapos ang lindol sa Christchurch, New Zealand.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, naitala ang sentro ng lindol sa 25 kilometro kanluran ng Nasugbu, Batangas at may lalim na 116 km.

Naramdaman ang intensity 4 sa Maynila; Intensity 3 sa Quezon City at Pasig habang intensity 1 naman sa San Fernando, La Union.

Naramdaman din ang intensity 4.1 sa mga lungsod ng Dasmarinas, Cavite City at karatig bayan habang intensity 2 sa Looc at Lubang,  Mindoro.

Alas 10:10 nangyari ang pagyanig na tectonic in origin.-Rubie Garcia

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply