Monopolyo ng ‘Big 3’ sa langis bubuwagin

DADAGDAGAN ng Senado ang kapangyarihan ng Department of Energy (DOE) sa pagbuwag ng monopolyo ng tatlong dambuhalang kumpanya ng langis sa pagtatakda ng presyo ng produktong petrolyo.

Ganito ang layunin ng panukalang batas ni Sen. Juan Miguel Zubiri bilang tugon sa posibleng epekto ng patuloy ng kaguluhan sa Gitnang Silangan at Kanlurang Africa na nagpasirit sa halaga ng petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.

Sa panayam, sinabi ni Zubiri na nawalan ng silbi ang oil deregulation law dahil naging inutil ang kapangyarihan ng DOE silipin ang libro ng mga dambuhalang kompanya ng langis upang matukoy kung tumpak ang pagtatakda ng presyo ng mga ito.

“Gumawa po tayo ng hakbang upang mabawasan o humina ng impak ng pag-akyat ng pandaigdigang presyo ng langis sa ating bansa sa pamamagitan ng pagrerepaso sa oil deregulation law na akala natin na maibaba nito ang presyo ng langis, ngunit ang nangyari, nagkaroon ng monopoly sa langis,” ayon kay Zubiri.

Dagdag ng senador: “Samakatuwid, naging salungat. Hindi bumababa kundi umaakyat pa. Kasi, pinabayaan natin ang puwersa sa pamilihan na maglabas ng pagtatakda ng presyo ng mga oil companies.”

Ayon kay Zubiri, ibabalik ng panukala ang dagdag na kapangyarihan ng DOE upang magkaroon ito kapangyarihan na i-monitor at suriin ang mga libro ng mga kumpanya ng langis, partikular ang Pilipinas Shell, Petron Corp. at Chevron (Caltex).

Sa ilalim ng oil deregulation law ay nawala ang kapangyarihang ito ng nasabing kagawaran.

“Dito sa ating panukala ay bibigyan ng dagdag-kapangyarihan ang DOE,” paliwanag ni Zubiri. “Ibalik po ang kapangyarihan ng DOE na magkaroon po sila ng monitoring powers dahil nawala po ito. Hindi na po kasi sila pinapansin ng oil companies.” Ernie Reyes 

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply