Mrs. Ligot ipapaaresto sa pabaon sa AFP

IPAPAARESTO ng Senate Blue Ribbon Committee si Mrs. Erlinda Ligot, kabiyak ni dating AFP comptroller ex-B/Gen. Jacinto Ligot kapag muli itong hindi dumalo sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa talamak na katiwalian sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa magkakahiwalay na panayam, pumayag sina Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada, Majority Vicente Sotto III at Sen. Franklin Drilon na ipaaresto kaagad si Mrs. Ligot kapag muli nitong sinuway ang ipadadalang subpoena ng Senado.

Nauna nang binalewala ni Mrs. Ligot ang imbitasyon ng Senado nitong nakaraang Biyernes, Pebrero 18 nang muling imbestigahan ng Senado ang talamak na korapsiyon sa AFP partikular ang pagkakasangkot ni Gen. Ligot sa pabaon system at katunayan umaabot sa P740 milyon ang nakulimbat ng dating heneral sa pondo ng militar.

Ipagpapatuloy ang imbestigasyon sa pabaon system sa AFP sa Huwebes, Pebrero 24, 2011.

Sinabi naman ni Drilon na hindi magiging epektibo ang Kongreso, partikular ang Senado sa paglikha ng kaukulang batas laban sa katiwalian sa gobyerno kung hindi nito mahigpit na ipatutupad ang kautusan, imbitasyon at subpoena ng Blue Ribbon.

“You can’t perform your task as legislator and your ability to draw facts and information will not be effective dahil may sariling account si Mrs. Ligot. Saan nya kinuha ito,” giit ni Drilon.

“That’s is the only way to compel her to testify in the Senate,” dagdag pa ni Drilon sa isyu ng warrant of arrest.

Ngunit, tila umiiwas naman si Guingona na paburan ang pananaw ng naturang tatlong senador dahil mas makabubuti munang pag-usapan ng lahat ng miyembro ng komite kung ipapaaresto o hindi si Mrs. Ligot.

Sa kanyang liham sa komite, sinabi ni Mrs. Ligot na hindi siya maaaring tugunan ang anumang katanungan hinggil sa sinasabing pabaon system sa AFP kabilang ang kuwestiyonableng pagkakaroon ng maluluhong tahanan sa US at limpak-limpak na salapi sa sariling bank account. Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply