Mrs Ligot nagsakit-sakitan lang – Guingona

NAGSAKIT-SAKITAN lang ang kabiyak ni dating AFP comptroller B/Gen. Jacinto Ligot na si Erlinda na nagpadala sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City upang makaiwas sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee hinggil sa pabaon system.

Ito ang pagtataya ni Sen. Teofisto Guingona III matapos matanggap ang ulat ng Senate Medical and Dental Services team na ipinadala ng Blue Ribbon sa ospital upang suriin si Mrs. Ligot upang alamin ang katotohanan sa katuwiran nitong may sakit.

“Ang sakit ni Mrs. Ligot ay ‘Blue Ribbonitis’ o sakit-sakitan lang para makaiwas sa pagtatanong ng mga mambabatas hinggil sa kuwestiyonableng P740 milyong bank account ng mag-asawa at sampung bahay sa Estados Unidos,” ayon kay Guingona.

Dahil dito, nagbabala si Guingona na irerekomenda ng komite sa Professional Regulatory Commission (PRC) na isuspinde ang lisensiya ng lahat ng doctor na sumuri at nagbigay ng sertipikasyon ng kalagayang medikal ni Mrs. Ligot  sakaling mapatunayang kakuntsaba sila ng kabiyak ng dating heneral.

Inirekomenda naman ni Sen. Jinggoy Estrada na magsagawa ng hearing sa loob ng nasabing ospital sa Lunes oras na matapos na ang iba’t ibang medical tests sa lagay ng kalusugan ni Mrs. Ligot.

Sinabi ni Estrada na binisita na ni Dr. Mariano Blanche at Dr. Renato Sison, pawang physician ng Senado, si Mrs. Ligot sa ospital kung saan nakumpirma na mataas ang blood pressure nito pero wala namang sakit na hypertension o diabetes at negatibo din ang resulta ng CT scan.

Gayunman, iniulat ni Dr. Blanche na hindi pa maaaring maisalang sa imbestigasyon si Mrs. Ligot dahil masyado itong emosyonal kung saan nag-iiyak pa ito nang masuri ng mga doktor ng Senado kahapon ng umaga.

Bukod kay Mrs. Ligot, nag-abiso rin na may sakit at hindi makasisipot sa hearing sina dating AFP chief of staff Gen. Roy Cimatu, dating COA Commissioner Raul Flores at dating resident auditor ng ISAFP Divina Cabrera.

Naunang naghain ng manipestasyon ang abogado ni Mrs. Ligot, si Atty. Rafael B. Zialcita, abogado rin ni dating Agriculture Undersecretary Jocjoc Bolante na nasangkot sa P728M fertilizer scam na hindi maaaring dumalo sa pagdinig ang kanyang kliyente dulot ng pagtaas ng blood pressure. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply