Mrs. Ligot nagtatago na

HINALANG nagtatago na si Mrs. Erlinda Ligot, kabiyak ni dating AFP Comptroller B/Gen. Jacinto Ligot na naakusahan na nagkamal ng mahigit P740 milyon sa iba’t ibang bangko na sinasabing kinulimbat sa pondo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Lumitaw ang ganitong anggulo matapos mabigo ang Office of the Sergeant-At-Arms ng Senado na matagpuan si Mrs. Ligot sa kanyang tahanan na walang makapagsabi sa kasambahay o kaanak kung saan nagpunta ang kabiyak ng heneral.

Nitong Miyerkoles, nagtungo ang OSAA kasama ang ilang staff ni Sen. Teofisto Guingona III sa tahanan ni Mrs. Ligot sa   Block 2 Lot 21 Phase 3, MBAI  Subdivision, Muntinlupa City, ngunit hindi mahagilat ang kabiyak ng dating heneral.

Dahil dito, ibinigay na lamang ng komite sa abogado ni Ligot ang subpoena upang humarap sa ikalimang pagdinig ng komite bukas, Huwebes, Pebrero 24,  hinggil sa kontrobersyal na plea bargain agreement ni dating military comptroller Carlos Garcia at sa mga kurakutan sa loob ng AFP.

Sinabi ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na mahalaga ang pagdalo ni Mrs. Ligot sa hearing ngayong umaga dahil naging ulyanin na ang kanyang asawa kung paano nila naipon ang P 740 milyong account sa mga bangko sa Pilipinas at sa sampung bahay sa Estados Unidos.

Nakatanggap din ng impormasyon ang senador na isa-isa nang ibinebenta ni Mrs. Ligot ang mga ari-arian sa US upang hindi mapasama sa mga babawiin ng gobyerno

Sakaling hindi sumipot sa pagdinig ng komite ngayon si Erlinda, ipapaaresto na siya ni Estrada kung saan uutusan niya ang Senate Sgt. At Arms na hagilapin sa alinmang panig ng bansa.

“I will request to the Senate President to order the Sergeant at Arms to look for her at all costs,”pagdidiin nito.  Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply