MRT, LRT fare hike malabo

MALABONG maipatupad sa susunod na buwan ang pagtaas ng pasahe ng Metro Rail Transit at Light Rail Transit.

Ito ang pahayag ng Department of Transportation and Communications (DOTC) kahit pa sinasabing naging maayos ang naging palitan ng opinyon sa pagitan ng naturang departamento at kinatawan ng commuters  sectors sa ikalawang public consultation.

Ayon kay DOTC Usec. Dante Velasco, panukala palang ang MRT/LRT fare increase at dadaan pa sa masusing deliberasyon.

Matatandaang naiulat na nakatakdang magtaas ng pasahe sa darating na Marso 1, 2011 ang pasahe sa MRT at LRT.

Una rito, sinalubong ng kilos protesta ng militanteng grupo ang public consultation kaugnay sa MRT/LRT fare hike at kanilang ipinagsigawan na hindi sila sang-ayon dito.

Paliwanag ng pamunuan ng MRT at LRT, umaabot na sa P11 bilyon ang abono ng gobyerno para mapanatiling abot-kaya ang pasahe.

Ngunit giit ng militanteng grupo, hindi ito dapat isisi sa taong bayan dahil maaari naman anila na kumuha ng pondo sa ibang paraan gaya ng advertisements. Sana lang daw ay tiyakin ng namumuno sa MRT na mapapaganda nito ang kanilang serbisyo sa publiko. Marjorie Dacoro

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply