Na-E(d)sahan

WALANG pasok sa Biyernes ang mga bata. Anibersaryo kasi ng 1986 Edsa revolution (daw). Pero may pasok ang mga may trabaho. Di naman kasi dapat  ipagpaliban ang
hanapbuhay upang alalahanin ang isang pangyayaring hindi  naman nagdulot ng kabutihan sa mas marami.

Totoo, napatalsik ng Edsa 1 ang isang diktador. Totoo, naging halimbawa ang Pilipinas na kaya palang palayasin sa pwesto ang isang lider na nagmamalabis.
Totoo, may mga pagbabago sa pamumuno sa ating bansa.

Subalit,  totoo ring walang nangyayari sa buhay ng mas maraming mamamayan. Marami  pa rin ang isang kahig, isang tuka ang buhay. Hindi guminhawa ang
kalagayan ng mas marami kahit na pinangalandakan natin na meron na  tayong demokrasya dahil sa Edsa.

Nanawagan ang mga pulitiko at mga lider-simbahan noong Pebrero 1986  na pumunta tayo sa harap ng Crame at Aguinaldo upang ipaglaban ang ating  kalayaan.
Nagpunta ang mamamayan – estudyanteng makukulit, tsika-beybs  na may dalang bulaklak, tindero’t tindera ng yosi’t softdrinks,  magbabalut at magmamani,
mayayaman at iskwater – at lumahok sa isang  napakalaking street party.

Makalipas ang ilang taon, iskwater pa rin ang iskwater, ang mga  bebot at estudyante ay under-employed pa rin o kaya’y walang trabaho,  ang mga tindero’t
tindera ay nasa lansangan pa rin naglalako ng tubig na  malamig at basahang gawa sa tira-tirang tela.

Samantala, ang mga pulitiko at lider-simbahan ay nagpapasasa sa  pwesto, patuloy na nagtatalumpati sa harap ng mikropono at nangangako ng  pagbabago.

Mahigit dalawang dekada na ang nakalipas, ganon pa  rin ang Edsa, matrapik. Lumawak ang lansangan, nagkaroon ng MRT, subalit  marami pa rin ang nasasagasaan
at nagbabanggan ang mga tren, binobomba  ang mga bus at nangungutong ang traffic enforcers.

May pagbabago nga, pero habang humaharurot ang mga sasakyan ng mga  may pambayad sa mga inutang na sasakyan, nasasagasaan naman ang mga  naka-motorsiklo lamang o
kaya’y ang mga di pa rin marunong dumaan sa mga  tulay-tawiran.

Napalitan natin ang mga pangalan (kahit na ang mga apelyedo ay ganon  pa rin) ng mga lider sa pamahalaan subalit pareho pa rin ang mga isyung  pinag-uusapan –
kawalan at pag-aagawan sa pwesto sa lipunan.

Ang kawawang mamamayan ang naiiwan, nalimutan, na-E(d)sahan sa mabilis na daloy ng buhay sa ating bayan.-Joe Torres

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply