Nagpakamatay daw si Angie?

SUMABOG ang balita kahapon  na nagpakamatay daw si dating Energy Secretary, retired General Angelo Reyes. Na-shock ang buong bansa.

Madalas ko makasama si Angie Reyes sa mga okasyon sa kanyang alma matter dito sa Quezon City, ang Ramon Magsaysay Cubao High School.

Aktibo sya sa alumni at marami talagang naitutulong sa kanyang dating paaralan kaya ang tanong na “nagpakamatay daw si Angie?” ay magkahalong lungkot at panghihinayang na nakarating sa mga estudyante ng Ramon Magsaysay High.

Iba’t ibang spekulasyon ang natural na kumalat pagkatapos na binasa ni Health Secretary and medical bulletin declaring Angelo Reyes dead at 8:32 AM, Feb. 8, 2011.

Sa mga nagsusubaybay sa kasalukuyang imbestigasyon sa Senado tungkol sa korapsyon sa Armed Forces of the Philippines kung saan pinagbibintangan ng mga whistle blowers na isa si Angie sa mga nagkamkam ng pera ng AFP para sa kanyang pansariling interes, iba iba rin ang pwedeng maging reaksyon.

Easy way out ba para kay Angie?

May iba na ayaw pang maniwala sa mga inisyal na report at sinasabi na nilikida daw si Angie.  Hindi nakakapagtaka ang sari-sari at iba ibang reaksyon, ganyan talaga kapag ang isang tao ay nasa state of shock at ang Pilipinas ay nasa isang state of shock.

Bebenta na naman sa mga dyaryo ang kwentong ito ng pagpapakamatay daw ni Angie na gaya rin ng pagbenta ng balita tungkol sa korapsyon sa militar kung saan sangkot daw, big time, ang nasirang heneral.

Dahil normal na malambot ang puso ng mga Pilipino at pwedeng makalambot ng puso ang trahedyang ito, ano na kaya ang mangyayari sa imbestigasyon sa Senado habang marami pang mga heneral din ang nakasalang at masusi pang iimbestigahan ng mga mambabatas.

Sa kung anu-anong mga reaksyon na naihayag na, ang isa na galing sa isang dating Congressman ang nakatawag ng aking pansin. Ang sabi nya, napakalaking desisyon para sa isang tao ang magpakamatay. Kung totoo nga na nag-suicide si Angie.  Ito ay isang desisyon na hinugot sa kaibuturan ng puso at kaluluwa ng isang tao.

Sa isang katoliko, kasalanan ang magpakamatay. Pero sa ibang kultura, tulad ng mga Hapon halimbawa, isang katapangan ang pagpapakamatay. Ang tawag dito sa Japan ay hara-kiri. Para sa mga Hapon, ang pagpapakamatay ay isang paraan para maisalba ang natitira pang puri ng isang tao o ng kanyang pamilya.

Para sa isang Hapon, mabuti pang magpakamatay kaysa tuluyan nang maging kahihiyan o pabigat sa pamilya at komunidad.

Sana ay tumigil na ang pagkondena kay Angelo Reyes, ngayong patay na sya.  Nakikiramay ako sa kanyang pamilya at sa lahat ng kanyang naulila.

Ang dapat lang, hindi masayang ang ikinamatay ng dating heneral na sana sa kabila ng lahat ay maresolba pa rin ang iskandalo ng korapsyon sa AFP.

Mag email po kayo sa akin tungkol sa isyu na ito, mahalaga sa akin ang inyong opinyon – ariel.inton@gmail.com- Ariel Enrile-Inton

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply