NAIA babalatan sa nakalulusot na droga

DETERMINADO si Sen. Gregorio “Gringo” Honasan na “balatan nang buhay” ang ilang matataas na opisyal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA)  hinggil sa nakalulusot na droga tulad ng cocaine na dala ni Ilocos Rep. Ronaldo Singson.

Sa panayam, sinabi ni Honasan, chairman ng Senate committee on peace and order and illegal drugs, na napapanahon nang ungkatin sa isang joint inquiry kung paano nakalulusot palabas at papasok ng bansa ang mga iligal na droga..

Ipinagtataka ng senador kung paanong nakalulusot ang mga ito sa mga paliparan at daungan maliban na lamang aniya kung may kasabwat na opisyal ng NAIA, Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Immigrations (BI) na tumutulong upang maipuslit ang mga ito.

“Kakausapin ko sina Estrada  (Sen. Jinggoy) at Legarda (Sen. Loren) para magkaroon kami ng joint inquiry tungkol dito,” wika ng senador.

Matatandaan na nahulihan ng cocaine si Singson sa Hong Kong kung saan nakasuhan ito ng drug trafficking  samantalang dumaan ito sa NAIA.

“Masyado nang nakaalarma ang dami ng bilang ng Filipino na nasa death row ngayon sa China sanhi ng pagtutulak ng droga na karamihan galing sa ating bansa,” giit ni Honasan.

Sa ulat ng Migrante International, umaabot na sa 79 Filipino ang nasa death row sa China dahil sa pagtutulak ng iligal na droga. May 120 pang Filipino sa ibang panig ng mundo ang nahaharap sa parusang kamatayan dahil sa iba’t ibang kaso.

Ang tatlong Filipino na naipagpaliban ang bitay sa China ay nagpuslit naman ng heroin sa nasabing bansa noong 2008.

Samantala, nilinaw naman ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III na hindi lahat ng nahuhuli sa China ay sa Pilipinas ipinupuslit ang droga, maaari ring sa ibang bansa sa Southeast Asia.

Ani Sotto, dating chairman ng Dangerous Drugs Board (DDB), karamihan sa nagiging drug mules ay mga overseas Filipino worker (OFWs) din sa China na naeengganyo ng sindikato na magdala ng droga sa panahon ng pag-renew ng kanilang visa.

“Karamihan ng nakakulong sa China ay galing din sa China. Inaabangan nitong mga Nigerian syndicate yung mga Pilipinang mag-expire na ang visa at ooperan nila ngayon na mag-renew ng visa sa Thailand, Macau kung saan nakabase yung sindikato,” paliwanag ni Sotto.  Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply