Naku po!

TAPOS na ang selebrasyon. Tapos na ang pag-alala natin ng kabayanihan ng mga Pinoy sa Edsa noong 1986. Balik na naman tayo sa pagharap sa katotohanang dumarami ang lumalayas sa ating bayan dahil di nakakain ang mga pangako ng “people power.”

Tumakbo sa Middle East ang marami sa atin. Marami ang nagpuntang Tsina at Taiwan. May mga napadpad sa Amerika, sa Africa at sa Canada. Meron ding
nagtitiis ng lamig sa Europa.

Sumiklab ang gulo sa Gitnang Silangan. Dumarami ang nabibiktima ng mga pirata sa bahaging Africa. May mga namatay na sa lindol sa New Zealand, at nangangambang palayasin ang mga Pinoy sa Taiwan.

Bakit ganito ang ating kapalaran? Itinuring tayong bayani noong 1986 at nag-export pa tayo ng ideya ng mapayapang rebolusyon sa ibang bansa, subalit nanatiling kawawa ang ating kalagayan.

Nagbuhay-alila ang marami sa atin sa ibang bansa maitawid lang ang pamilyang naiiwan sa mga munting dampa sa gilid ng mga esterong binabaha.

Dapat talagang pag-isipang mabuti ang polisiya ng pagpapadala ng mga manggagawa sa ibayong dagat. Dapat ding pagplanuhan kung ano ang pupwedeng pagkakakitaan dito sa ating bayan.

Kung meron nga lang sanang matinong trabaho sa Pilipinas, bakit pa mangingibang-bayan? Magkano nga lang ba ang kinikita ng mga katulong sa ibang bansa? Sampung libong piso hanggang labin-limang piso? Minsan nga mas mababa pa.

Hindi ba yan kayang kitain dito sa Maynila?

Kaya naman siguro kung mabigyan lang ng oportunidad, kung tama lamang ang pamamalakad ng negosyo sa ating bansa, kung wala lang sanang “cuts” sa mga proyekto ng gobyerno at pumupunta sa mga manggagawa ang kita ng negosyo.

Marami nang pag-aaral ang nagawa, marami nang debate ang ating narinig, pero hanggang doon na lamang, puro laway ng mga mayayaman ang tumitilamsik sa mga kinapos ng kapalaran.

Isiniksik kasi natin sa isipan na maganda sa Maynila kahit iskwater lang, sikat kapag nagtapos ng narsing o kaya’y naging flight attendant. Hindi natin
pinapahalagahan na mas masarap magsaka sa probinsya, mas “enjoy” ang hangin sa taas ng puno ng mangga, mas matimyas ang awit ng ibon kaysa hiyaw ng mga nakakoloreteng belyas sa kunwari’y spa.

Naku po ang mga pangarap. Tapos na ang selebrasyon sa Edsa, nagkamatayan na ang mga bagong bayani na ang tawag ay OFWs, at patuloy pa ring nangangarap ang mga naiwan habang nakatunganga sa kapogian ang kaseksihan ng mga artistang gustong maging senador at kongresman.

Naku po!-Joe Torres

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply