NPC, Afima natuwa sa aksyon ng SC sa Maguindanao Massacre

NAGPAHAYAG ng malaking pasasalamat ang mga miyembro ng industriya ng media sa Korte Suprema, na nagresponde ng positibo sa petisyon ng National Press Club (NPC) at Alyansa ng mga Filipinong Mamamahayag (Afima).

Nauna rito ay hiniling ng NPC at Afima na gawing “special court” ang kasalukuyang branch ng regional trial court na dumidinig sa kontrobersiyal na Ampatuan Massacre.

Gayundin ay nagpetisyon ang dalawang malalaking grupo ng mga mamamahayag na maglagay ng monitor sa labas ng korte kung saan isinasagawa ang pagdinig upang maisapubliko ang mga pangyayari sa pagdinig.

Ang NPC ay kinatawan ng presidente nito na si Jerry S. Yap at ang Afima naman ay ng pangulo ng grupo na si Benny Antiporda.

Sa press statement ng NPC, sinabi nito ang grupo ay “so thankful to the Supreme Court for acting on its petition to constitute the present Regional Trial Court branch trying the infamous Ampatuan Massacre into a special trial court for Maguindano to handle only one case: the trial of the accused in the brutal killing of 57 persons including 32 journalists.”

Kaugnay ng desisyon na maglagay ng television monitor sa labas ng trial court, inamin ng NPC na sapat na ito dahil totoong masyadong maliit ang ispasyo sa korte upang mapagkasya ang mga miyembro ng media.

Pinasasagot ng Mataas na Korte ang Department of Justice, ang Office of the Solicitor General, at ang mga abugado ng mga akusado na magpasa ng kanilang komento o oposisyon kaugnay ng petisyon ng NPC at Afima.

Pinagbigyan din ng Korte Suprema ang OSG sa pinakahuling kautusan nito sa mosyong mabigyan ito ng karagdagang panahon upang makapagpasa ng komento.

Ang kopya ng kautusan ay ibinigay din sa Office of the President, opisina ni Judge Jocelyn A. Solis-Reyes at mga nagpetisyon.

Nagpetisyon ang NPC at Afima upang umano’y  mapabilis ang pagdinig at paghatol sa mga akusado sa maramihang pagpatay na naganap noong Nobyembre 23, 2009 sa bayan ng Ampatuan sa lalawigan ng Maguindanao.

Nauna nang naireklamo ang kabagalan ng pagdinig sa kaso dahil ang korteng may hawak nito, ang RTC Branch 221, ay marami ring kasong hawak.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply