OFW galing Egypt, pinabayaan ni P-Noy

NAPAKO ang pangako ni Pangulong Benigno Aquino III na bibigyan ng tulong pinansiyal ng pamahalaan ang lahat ng Overseas Filipino Workers (OFW) na sapilitan o boluntaryong umuwi ng bansa mula sa kaguluhan sa Egypt.

Sa sentimyentong ipinarating sa Senado, sinabi ni Charlen Del Rosario, isa sa 26 OFWs na naunang umuwi sa Pilipinas sa kasagsagan ng pagpapatalsik kay President Hosni Mubarak ng Egypt, na nagmistula silang “basing sisiw” simula nang dumating sa bansa nitong Pebrero 6.

Ayon kay Del Rosario, walang kahit isang kusing na tulong ang ibinigay ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) taliwas sa pangako ng Palasyo na bibigyan ng hanapbuhay at tulong pinansiyal ang sinumang uuwi mula Egypt.

“Para kaming basang sisiw na pinabayaan na lamang ng OWWA dahil hindi nila inasikaso ang pagpapauwi sa aming probinsiya,” ayon kay Del Rosario sa sumbong na nakarating kay Sen. Manny Villar.

“Kung hindi kami tinulungan ni Sen. Manny Villar, hindi kami makakauwi sa Sultan Kudarat,” paglalahad ng maybahay na nagsilbing domestic helper sa Egypt.

Sa ngayon, ayon pa sa kuwento ng tanggapan ni Villar, nangungutang na lang ng bigas ang pamilya ni Del Rosario dahil hindi naman naibigay sa kanya ang dalawang buwang sahod mula sa dating Jordanian na amo.

Bukod sa pagpapauwi sa probinsiya, natulungan din ni Villar na maipagawa ang pustiso ng kasamahan ni del Rosario na si Anita Dimalanes.

Matatandaan na ipinangako mismo ni Pangulong Aquino na bibigyan ng kaunting pangkabuhayan ang mga OFWs na boluntaryong uuwi mula sa Egypt. Subalit mahigit isang linggo na ang lumipas, wala pang kahit singkong duling na naipapaabot ang OWWA sa dalawang OFWs.

“Meron ba?(financial assistance), wala namang binanggit sa amin. Yung pamasahe nga pauwi ayaw kaming bigyan buti na lang tinulungan kami ni Sen. Villar,” dagdag ni del Rosario.

Katakot-takot na hirap ang sinapit ng dalawa sa amo nilang Jordanian kung saan ikinulong pa sila ng kuwarto para lamang hindi makalabas ng bahay kahit na nagkakagulo na sa kabisera ng Egypt.

Napilitan din ang kanilang amo na pakalawan sila nang magdesisyon itong lisanin din ang nasabing bahay subalit kinailangan pang paghubarin sila sa harap ng amo nilang babae upang makasiguro na wala silang ninakaw na gamit. Ernie Reyes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply