OFW galing Egypt pinabayaan ni PNoy

NAPAKO ang pangako ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III na bibigyan ng tulong pinansiyal ng pamahalaan ang lahat ng overseas Filipino workers (OFWs) na sapilitan o boluntaryong umuwi ng bansa mula sa Egypt.

Sa sentimyentong ipinarating sa Senado, sinabi ni Charlen Del Rosario, isa sa 26 na OFWs na naunang umuwi sa Pilipinas sa kasagsagan ng pagpapatalsik kay President Hosni Mubarak ng Egypt, na nagmistula silang “basang sisiw” simula nang dumating sa bansa nitong Pebrero 6.

Ayon kay Del Rosario, wala silang natanggap na tulong mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) taliwas sa pangako ng Palasyo na bibigyan ng hanapbuhay at tulong pinansiyal ang sinumang uuwi mula Egypt.

“Para kaming basang sisiw na pinabayaan na lamang ng OWWA dahil hindi nila inasikaso ang pagpapauwi sa aming probinsiya,” ayon kay Del Rosario.

Matatandaan na ipinangako mismo ni Pangulong Aquino na bibigyan ng kaunting pang-kabuhayan ang mga OFW na boluntaryong uuwi mula sa Egypt. Subalit mahigit isang linggo na ang lumipas, wala pang naipapaabot ang OWWA sa naturang OFW.

Katakot-takot na hirap ang sinapit ng nasabing OFW at kanyang mga kasama sa amo nilang Jordanian kung saan ikinulong pa sila ng kuwarto para lamang hindi makalabas ng bahay kahit na nagkakagulo na sa kabisera ng Egypt.

Napilitan din ang kanilang amo na pakalawan sila nang magdesisyon itong lisanin din ang nasabing bahay, subalit kinailangan pang paghubarin sila sa harap ng amo nilang babae upang makasiguro na wala silang ninakaw na gamit.  Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply